Marso: Paggunita sa Fire Prevention month

Taon-taon ay ginugunita ang Fire Prevention month sa bansa.

Idineklara ang Fire Prevention month noong 1966 sa ilalim ng Proclamation No. 115-A sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Dito nakasaad na ang 1966 at mga kasunod na mga taon ay bilang kaligtaas at pag-iwas sa mga aksidenteng may kaugnayan sa sunog.

Bago nito, ang orihinal na kautusan ay ang pagkakaroon ng unang linggo ng Marso na idineklarang Fire Prevention week ni dating Pangulong Manuel L. Quezon sa bisa ng Proclamation No. 248, noong 1938.

Napili ang Marso bilang Fire Prevention month dahil sa panahong ito ay marami ang naitatalang sunog sa Pilipinas.

Noong 2022, simula Enero 1 hanggang Disyembre 26 ay nakapagtala ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng 13,029 na sunog sa buong bansa. Ito ay mas mababa sa record noong 2021 na 13,574 mga kaso.

Noong Marso 2022, umabot sa 811 na sunog ang nairekord – higit itong mas mababa noong 2021 na may 1,245 kaso ng sunog sa parehas na buwan.

Kasaysayan ng fire protection service sa bansa

Noong panahon na sakop tayo ng Espanya, wala tayong bumbero. Tuwing may sunog ay taumbayan din ang kumikilos para maapula ang apoy – bahagi ng tradisyong bayanihan.

Sa panahong ding ‘yon, kapag may sunog ay ang mga simbahan ang nagbibigay ng hudyat para sa naturang emergency. Ang bilang ng pagtunog ng kampana ay lugar kung nasaan ang sunog. Halimbawa, kapag may sunog sa Quiapo ay pitong pagtunog sa kampana ng simbahan ang maririnig; lima sa Binondo, 10 sa Tondo at iba pa.

Ang pagbuo ng Manila Fire Department (MFP) ay noong Agosto 7, 1901 nang inorganisa ng Estados Unidos – Philippine Commission bilang bahagi lamang ng Department of Streets, Park, Fire and Sanitation. Gayunman, ang organisasyon ay umiral nang ito ay ihiwalay sa dating departamento. Ang lahat ng kagamitan at aparato na may kaugnayan sa yunit na ito ibinigay ni F.R. Dodge bilang hinirang na Department Chief at J.W. Hoey bilang kaniyang assistant.

Noong 1902 ay 80 kalalakihan lamang ang kasapi ng fire fighting force at apat lamang noon ang istasyon sa lungsod: Tanduay, Sta. Cruz, Paco at Intramuros Fire Stations.

Noong Oktubre 19, 1935, si Deputy Chief Jacinto Lorenzo ang naging unang Filipino Fire Chief ng MFD.

Ang official logo ng Bureau of Fire Protection ng Pilipinas. (BFP Facebook page)

Noong 1974, ang Manila Fire Department ay tinawag nang Fire District I, National Capital Region.Sa paglipas pa ng panahon, ang kinikilala nating BFP ay naitatag sa pamamagitan ng Republic Act No. 6975 noong Disyembre 13, 1990. Ito ay sa ilalim ng muling pag-organisa ng Department of the Interior and Local Government.

Bilang mandato, ang BFP ay naatasan ng pamahalaan para isagawa ang pag-iwas at pagsugpo sa lahat ng mapanirang sunog sa mga gusali, bahay at iba pang istruktura, at kagubatan. Kabilang pa rito ang sasakyan at kagamitan sa transportasyon sa lupa, mga barko o sasakyang-dagat na nakadaong sa mga pier o pantalan o naka-angkla sa mga pangunahing daungan, industriya ng petrolyo pag-install, pagbagsak ng eroplano at iba pang katulad na mga insidente.

Kailan nag-umpisa ang pagkakaroon ng mga bumbero sa mundo?

Sa unang bahagi ng imperyo sa Roma, mga alipin ang bumubuo bilang puwersang humaharap sa pag-apula ng sunog para protektahan ang mga ari-arian at mga tao mula rito. Ito ay noong ikatlong siglo. Bago nito, may mga katibayan ng pag-aapula sa sunog sa sinaunang panahon ng Ehipto.

Noong 60 A.D. ay nabuo ang grupo ng mga bumberong tinawag na Vigiles. Kapag may sunog, pumipila ang mga bumbero sa pinakamalapit na pinagmumulan ng tubig at ipapasa-pasa ang mga balde para mapatay ang apoy.

Ngunit planadong malawakang sunog din ang dahilan ng pagbagsak ng Roma noong Hulyo 18 64 A.D. na naging dahilan ng pagkawasak nito.

Samantala noong kalagitnaan ng ika-15 siglo, muling nabuhay ang pagkakaroon ng geography, exploration at sining kung saan kabilang din dito ang agham sa pag-apula sa sunog.

Nasa ika-16 siglo na nang magkaroon ng fire brigade dahil sa pagkakaroon din ng insurance companies noon sa Inglatera upang proteksyunan din ang kanilang policy holders. Ang company insurance na ito ay ang The Fire Office noong 1667.

Ilan sa mga hindi malilimutang sunog sa Pilipinas:

  1. MV Doña Paz: 4,000 patay

Papunta na sa Maynila galing Tacloban, Leyte ang barkong ito nang masunog noong hatinggabi ng Disyembre 20, 1987, limang araw bago mag-Pasko. Bumangga ang MV Doña Paz sa isa pang barkong may kargang 1.05 million L ng gasolina. Tinatayang mahigit sa 4,000 ang namatay sa barko. Hindi bababa sa 79 na guro sa pampublikong paaralan ang nasawi sa banggaan at walang nakaligtas sa mga tauhan ng Doña Paz. Itinuturing ito na pinakamasamang peacetime maritime disaster.

  1. Ozone Disco sa Quezon City: 162 patay

Noong hatinggabi ng Marso 18, 1996 ay naganap ang sunog sa club na ito habang karamihan sa mga kabataang pumunta rito ay gusto lamang magdiwang ng pagtatapos ng school year at ang nalalapit na graduation ceremonies. Dalawang oras ang itingal ng sunog bago nakontrol. Kumpirmadong 162 ang namatay at tinatayang 95 ang sugatan. Sa 10 pinakamasamang sunog sa nightclub sa mundo, ikaanim ang Ozone sa talaan.

  1. The Manor Hotel sa Quezon City: 75 patay

Nagsimula ang sunog noong madaling araw ng Agosto 18, 2001 kung saan karamihan sa mga biktima ay mga kasapi ng isang Christian crusade. Umabot sa 75 katao ang idineklarang patay at 35 ang sugatan. Ang pangyayaring ito ay ikalawang pinakamalalang sunog sa hotel sa bansa.

  1. Kentex Manufacturing Corp. sa Valenzuela City: 74 patay

Ang pagawaan ng mga tsinelas at iba pang rubber footwear na ito ay nasunog noong Mayo 13, 2015. Umabot sa pitong oras ang sunog na kumitil sa buhay ng 74 mangggagawa. Sa imbestigasyon, ang kumpanyang ito ay nasa mababang pamantayan sa kaligtasan sa trabaho.

  1. Marikina wig factory: 42 patay

Nasunog ang isang wig factory sa lugar na ito noong Enero 22, 1975. Ang sunog na nagtagal ng tatlong oras ay nagtala ng 42 kataong patay habang 67 ang sugatan.

  1. New City Commercial Center (NCCC) mall sa Davao City: 38 patay

Ang sunog na umabot sa 32 oras ay pumatay sa 37 call center na mga empleyado at isang a shopping mall security officer noong Disyembre 23, 2017. Iniulat na isang electrical short circuit ang nag-spark na pinagmulan ng sunog.

Trivia

– Sa Japan, ang mga bumbero rito mula 1603 hanggang 1867 ay may ibang mga paraan para labanan ang sunog. Ang isa rito ay binabasa nila ang kanilang mga sarili gamit ang hose upang hindi sila madikitan ng apoy. Sa paraang ding ito ay nagiging mabigat ang kanilang uniporme na hanggang 75 pounds.

– Sa panahong ng tungkulin ng mga bumbero, ang numero unong pumatay sa kanila ay atake sa puso. Ang mga bumbero ay 12 beses na mas malamang na magkaroon ng atake sa puso kapag nag-apula ng apoy kaysa kapag sila ay gumaganap ng mga tungkulin na walang kinalaman ang emergency.

– Sa Amerika, ang mga kulay ng helmet ay kadalasang tumutukoy sa ranggo o posisyon ng bumbero.

– Marami sa mga bumbero ay boluntaryong tumutulong.

– Noong 1980, ang Hong Kong Fire Services Department ay nagsimulang mag-recruit ng mga babaeng bumbero.

– Sa ibang bansa, may motion alarms na tinatawag na Personal Alerting Safety System (PASS) na nakakabit sa bawat bumbero. Natunog ito kung ang bumbero ay huminto sa paggalaw nang higit sa 30 segundo.

– Sa pinakahuling tala noong 2003, ang Tokyo Fire Department ay ang pangalawang pinakamalaking departamento ng bumbero sa mundo.

– Sa unang panahon noon ni Benjamin Franklin, pangulo ng Amerika, naging boluntaryong bumbero ito bilang pagtulong na rin sa pagbuo ng unang fire department sa Philadelphia noong 1736.

– Si George Washington ay naging volunteer firefighter din sa Alexandria Fire Department sa Virginia matapos na itatag ito noong 1774.

Ang ilan pang naging pangulo ng Amerika na sa nagsilbing mga bumbero ay sina Thomas Jefferson Millard Fillmore, at James Buchanan.

– Sa Amerika, si Pangulong Woodrow Wison ang unang nag-isyu ng kauna-unahang National Fire Prevention Day na ipinroklama noong 1920. Magbuhat noong 1922, ang Fire Prevention Week ay ginaganap tuwing Oktubre.