Manila Clock Tower Museum silid sa nakaraan ng Maynila

Ang kilalang Manila City Hall Clock Tower sa Ermita ay dinisenyo ni Antonio Toledo at pinasinayaan noong 1930s.

Minamasdan lamang noon ng marami mula sa labas ng Manila City Hall ang pamosong clock tower nito. Ngayon, mistula na itong malaking silid para saksihan ang sitwasyon ng lungsod sa nakalipas na panahon. Bukas na kasi ito sa publiko at puwede na ring pasyalan dahil may museo nang dadayuhin dito.

Ang kilalang Manila City Hall at clock tower na matatagpuan sa Ermita, Maynila ay dinisenyo ng Filipino neoclassical artist at arkitektong si Antonio Toledo, na siya ring nagdisenyo ng Agriculture and Commerce Building (ngayon ay National Museum of Natural History), Department of Tourism, at Finance Buildings.

Sinimulan ang konstruksyon ng Manila City Hall noong 1936 at natapos bago pa magsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

 

Ang Manila City Hall matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

 

Nang matapos ang digmaan ay malaki ang naging pinsala nito sa gusali. Sa tulong ng Amerika ay muling itinayo ang City Hall na may sukat na 8,422 square meter na binubuo ng 200 rooms.

 

Ang Manila City Hall noong 2006.

 

Ang clock tower na pinakamalaki sa bansa ay may elevation na humigit-kumulang 100 talampakan, ay may prominent faces na nakaharap sa mga pangunahing lugar kabilang ang Intramuros, Bonifacio Shrine, Rizal Park, at Palasyo ng Malacañan.

Bagaman dumaan ang tore sa tatlong renobasyon sa nakalipas na mga taon, mas gumanda ito ngayon dahil may museo na sa loob na tinatawag na Manila Clock Tower Museum na nasa ikaapat na palapag.

Ang Manila City Hall sa kasalukuyan. Ang dating pulang bahagi ng gusali ay pinalitan ng kulay ginto noong 2020 bilang bahagi ng malaking renobasyon.

 

Dahil ang museo ay nasa tore ito ay may pitong palapag (kabilang ang mezzanine floor).

Ang bahaging clock tower ay muling dumaan sa malakihang renobasyon noong 2020 sa pagkakaroon ng museo.

Ang limitadong bahagi ay naging bukas sa publiko noong Hunyo 29, 2022, isang araw bago bumaba sa pagkaalkalde si Mayor Moreno-Domagoso. Ang buong museo ay naging opisyal na bukas sa publiko noong Oktubre 25, 2022.

Ang isang bahagi ng loob ng Manila Clock Tower Museum.

Nananahan sa museo na ito ang yaman ng cultural and historical artifacts ng Maynila. Iba’t ibang koleksyon ang tatambad sa mga dayo upang magbalik-tanaw sa nakaraan. Sa unang palapag ay madidiskubre ang naging sitwasyon ng gusali noong matapos ang giyera.

Ang istraktura na madalas na tinutukoy bilang counterpart ng Pilipinas sa “Big Ben” ng London ay pinarangalan ng Golden Leaf Presidential Award sa 2024 Philippine Leaf Awards Tertulia.

Bukas ang museo mula ika-10:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon, Martes hanggang Linggo.

Ang isang bahagi pa ng loob ng Manila Clock Tower Museum.