Mammangi Festival: Tatak Ilagan, tatak Isabela

Ang Ilagan ay ang kapital at pinakamalaking lungsod ng lalawigan ng Isabela na nasa hilagang bahagi ng Luzon.

Isang progresibong lugar ang Ilagan dahil na rin sa mayroon itong 91 barangay. Buhay ang komersyalismo rito kabilang ang pangunahing kontribusyon ng agrikultura.

Sa sektor ng kanilang mayabong na agrikultura partikular sa produksyon ng mais, kinilala ang Ilagan bilang “Corn Capital of the Philippines,” dahilan para magkaroon ng Mammangi Festival na ginanap mula Agosto 1-13.

Isa ang grupong ito na lumahok sa Street Dance and Showndown Competition bilang bahagi ng Mammangi Festival 2023. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Kapistahang nagbibigay-kulay sa Ilagan

Ang mammangi ay wikang Ibanag (kilala ring Ibanak, Ybanag, o Ybanak) na ang ibig sabihin ay magsasaka ng mais. Ang kapistahan ay isang malaking selebrasyon sa pagkilala sa hindi matatawarang kontribusyon ng mga magsasaka ng mais. Suportado ito sa pangunguna ng alkalde ng lungsod na si Josemarie Diaz at bise alkalde na si Kyrille Bello.

Bago ang mismong Mammangi Street Dance and Showdown Competition, nagkaroon din ng makulay na parada ang mga kalahok nito mula sa iba’t ibang partikular na kalye ng lungsod ng Ilagan. (Kuha ni Itoh Son)

Ang kapistahan ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-11 anibersaryo ng pagkalungsod ng Ilagan.

Sa asenso at patuloy na pagsulong ng lungsod, kinalala ito bilang “Best Local Government Unit” sa buong Lambak ng Cagayan.

Sa malikhaing pagganap ni Nilo Agustin bilang Festival Consultant and Overall Director ng okasyong ito, samu’t saring aktibidad ang sinubaybayan at sinuportahan ng publiko mula sa Mammangi Street Dance and Showdown Competition, Binibining Ilagan 2023 Grand Finals and Coronation Night, Tienda Ilagan- Agri-Eco Tourism kung saan tampok dito ang imaheng “Understanding the Liveable City of Ilagan 2030 Vision,” Booth Making Contest, at iba pa.

Pagbabago ng petsa ng kapistahan

Orihinal na itinakda ang Mammangi Festival tuwing Mayo 4 hanggang Mayo 8 ng bawat taon base sa ordinansya ng lokal na pamahalaan.

Ngayong taon, nakatakda sanang gawin ang okasyon mula Mayo 27 hanggang Mayo 31 ngunit dahil masama ang panahon noon ay piniling Agosto na lamang ipagdiwang ang kapistahan.

Ilagan: Corn Capital of the Philippines

Ang lupain ng Ilagan ay may sukat na mahigit sa 116,000 ektarya, ang 38,000 ektarya nito ay nakalaan sa agrikultura na may industriya ng fisheries, livestock at iba pa.

Patuloy na napaninindigan ng lungsod na ito ang titulong “Corn Capital of the Philippines.” Sa datos ng Department of Agriculture mula 2015, ang lalawigan ay nagkaroon ng 250 metrikong tonelada ng mais taon-taon kung saan ang 150 hanggang 170 metriko tonelada ng mga ito ay nagmumula sa Ilagan, ang kabisera ng lalawigan.

Hamong hinarap ng estado ng mga magsasaka

Ang paghihikayat sa mga magsasaka ng komunidad ng Ilagan na magtanim ng mais ay nagmumula rin sa pamamagitan ng Mammangi Festival. Dahil sa kakulangan ng economic feasibility, maraming magsasaka ang tumigil sa pagtatanim ng mais. Ang mga magsasaka na ito ay madalas na nagbebenta ng kanilang mga mais sa mga kompanyang nagpoproseso sa murang presyo matapos anihin ang kanilang mga pananim, para lamang makabili ng naprosesong feed sa mas mataas na presyo. Isang halimbawa nito ay ang barangay San Antonio sa Ilagan na nagtatanim ng karamihang mais. Mayroon itong uri ng dilaw na mais na kadalasang ginagamit sa pagpapakain sa mga hayop o livestock. Ang pagtataguyod ng napapanatiling pamamaraan ng agrikultura ay mahalaga sa pagtigil sa siklong mababang kakayahang kumita. Sa halip na maging mga end user, ang Ilagan mismo ang magpoproseso ng butil kaya’t sila ngayon ang producer.

Dagdag rin sa masayang aktibidad ang ginanap na Barangay Night and Awarding of Sikan na Ilagan and Outstanding Ilagueños 2023. Pangunahing nagbigay-pagkilala rito ay sina Isabela Gov. Rodito Albano III at Vice Gov. Faustino ‘Bojie’ Dy III. Nagbigay ningning din sa gabi ang celebrities tulad ng singer-actress na si Geneva Cruz at ang comedic duo na sina MC and Lassy.

Sa iba pang mga aktibidad ay hinangaan din ang pagdalo at pagganap dito ng iba pang celebrities tulad nina James Reid, Gino Padilla, Gigi De Lana, Celeste Legaspi, Dulce, at iba pa.

Dahil tatak Isabela, ang pagtatapos ng malakihang pampublikong pagdiriwang tulad nito ay hindi nawawalan ng enggrandeng fireworks display.

Ang mga nagwagi sa iba’t ibang kompetisyon ng Mammangi Festival 2023

Overall winners

Champion: Northeastern 1

1st RU: Poblacion 1

2nd RU: Western 1

3rd RU: Northeastern 2

Dance Showdown

Champion: Northeastern 2

1st RU: Poblacion 1

2nd RU- Northeastern 1

Street Dance Competition

Champion: Northeastern 1

1st RU: Poblacion 1

2nd RU: San Antonio 1

Mammangi Eco-Tourism Booth

Category A (Barangay)

Champion: Western 1

1st RU: Poblacion 2

2nd RU- Northeastern 1

Category B (Govt Agency)

Champion: Iselco 2

1st RU: Isabela State Campus

2nd RU -Booth 7 Tesda

Top Business Taxpayers sa lungsod ng Ilagan

  1. Coca-cola Beverages Phils. Inc
  2. Puregold Price Club Inc. (Calamagui branch)
  3. Sanford Marketing Corp (Northstar Mall)
  4. Landbank of the Philippines (Ilagan Branch)
  5. Sagittarian Agricultural Phils., Inc.
  6. Puregold Price Club Inc. (Alibagu branch)
  7. Jollibee Ilagan Branch
  8. EGB Construction Corporation
  9. Development Bank of the Philippines (Ilagan Branch)
  10. Cagayan Valley Drug/Mercury Drug (Baligatan branch)
  11. Dragon Twelve Builders & Construction Supply
  12. Dragon Hatched Construction