Mahigit 6-M mga deboto nakiisa sa Pista ng Itim na Nazareno

Ilan lamang ang mga ito sa anim na milyong katao na nakibahagi sa Pista ng Itim na Nazareno. (Mula sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno / Quiapo Church)

Tinatayang nasa mahigit anim na milyong deboto ang lumahok sa Pista ng Itim na Nazareno.

Naging triple ang bilang nito kumpara sa pinakahuling pagdiriwang ng kapistahan. Ang tradisyong ito ay pinanabikan din ng mga deboto dahil nasuspinde ito ng tatlong magkakasunod na taon dahil sa pandemya dala ng COVID-19.

Ang Traslacion o prusisyon ng imahe ng Itim na Nazareno ay nagsimula sa Quirino Grandstand ng ika-4:45 ng madaling-araw at nagbalik sa Simbahan ng Quiapo ng ika-7:44 ng gabi. Sa haba at tagal nito, nagpakita ng pananampalataya at sakripisyo ang mga sumama sa anim na kilometrong haba ng aktibidad ngunit natapos itong mapayapa sa pangkalahatan.

Marami rin sa mga deboto ay nagmula pa sa iba’t ibang panig ng bansa para magpakita at mag-alay ng pasasalamat, panalangin, at umasa sa himalang pagpapagaling ng karamdaman mula sa Poon. Sa kanilang sakripisyo ay hindi na rin ininda ang hirap ng paglalakad habang mga nakayapak sa anim na kilometrong haba ng prusisyon.