Maginhawa Arts and Food Festival muling tinangkilik

Isa kami sa naging saksi sa pagbabalik ng Maginhawa Arts and Food Festival noong Disyembre 2 sa Maginhawa St., Diliman, Quezon City.

Matapos ang pandemya, nanumbalik ang pagtangkilik sa kilalang kapistahan sa muling pagtitipon ng mga aktibo sa promosyon ng iba’t ibang sining hanggang pagkain.

Sinimulan mula ika-9:00 ng umaga hanggang hatinggabi, mahigit sa 100 merchants ang humanay sa popular na kalye ng Maginhawa kung saan naging bukas ito o libre sa publiko.

Kaliwa’t kanan ang pakulo ng mga tindero mula sa food and non-food items kaya’t hindi rin naubusan ng opsyon na makahanap ng trip na bilhin lalo pa ng mga pamasko.

May zumba, drag show, kompetisyong drum and lyre, at ang Christmas carol na nagpatingkad sa programa.

Hindi rin nawala sa mga aktibidad ang performances sa entablado ng Dilaw, Over October, The Ridleys, at Ang Bandang Shirley para sa inaabangang concert ng publiko.

Kahit wala pa ang programang ito, kilala na ang kalye sa dami ng mga makakainan. Katunayan, batay sa Ordinance No. SP-2439, S-2015 ang Maginhawa ay idineklarang arts and food hub ng lungsod.

Matapos ang matagumpay na programa, tiyak na aabangang muli ito sa susunod na taon.