LTFRB: Paniningil ng pamasahe sa EDSA Carousel bawal

Ang pinalawig na 24/7 na operasyon ng EDSA Carousel ay mananatiling walang bayad mula nang sinimulan ito noong Disyembre 1, 2022 at magtatapos hanggang sa Disyembre 30, 2022. Binago ang sistema upang higit na mapagsilbihan pa ang commuters na mas marami ngayong Kapaskuhan. (Kuha ng Bilibb)

Mahigpit na ipanatutupad ang 24 oras na libreng sakay sa EDSA Carousel simula nang implementasyon nito kamakailan.

Sa naging panayam ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa dzBB kamakailan, iginiit nito na ang mga bus na bumibiyahe nang magdamagan sa EDSA carousel ay walang dapat na paniningil bilang pamasahe mula sa mga mananakay nito.

Ang 24/7 na operasyon ay sinimulan noong Disyembre 4, 2022 bilang tugon sa dumaraming mananakay sa EDSA ngayong Kapaskuhan.

Pagmumultahin ng P5,000 at magiging blacklisted ang bus operators na gagawa ng paglabag. Gayundin, masususpinde ang lisensya ng bus drivers na susuway sa kautusan.

Aabot sa 100 bus ang bumibiyahe mula nang isagawa ang 24/7 na operasyon ng Libreng Sakay. Dumami ang mga pasahero nito at umakyat mula sa 14,000 hanggang 21,000 para sa biyaheng 11 ng gabi hanggang 4 ng umaga. Tinitingnan ngayon ng nasabing ahensya kung magdadagdag pa ng mga bus para rito.

Ang bagong bus scheme ay magtatapos sa huling araw ng Disyembre 30, 2022. Matapos nito ay babalik sa dating sistema kung saan magkakaroon na ng bayad sa bus ng EDSA Carousel tulad ng ibang city buses ngunit susundin pa rin ang diskuwente para sa seniors, persons with disabilities o PWDS at mga estudyante.