LRT-2, MRT-3 libreng sakay sa solo parents sa Abril 20

May handog na libreng sakay ang mga solo parent sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Abril 20, Sabado. Ito ay bilang pakikiisa sa National Solo Parent’s Day.

Upang makuha ang serbisyo, kailangang ipakita ang Solo Parent’s Identification Card o Solo Parent Certificate of Eligibility.

Ang libreng sakay ay may operasyon mula ika-7:00 ng umaga hanggang ika-9:00 ng umaga at ika-5:00 ng hapon hanggang ika-7:00 ng gabi.

“Tayo po sa LRTA, batid natin ‘yung bigat ng responsibilidad ng mga solo parent. Kaya naman sa pagdiriwang na ito, sana maiparamdam ng LRTA ang aming paghanga at pasasalamat sa inyo sa pamamagitan po ng handog naming libreng sakay,” ayon kay Light Rail Transit Authority Administrator Atty. Hernando Cabrera.