LRT-2, MRT-3 libreng sakay sa mga manggagawa sa Mayo 1

Bilang pakikiisa sa selebrasyon ng Labor Day, ang mga manggagawa ay makaka-libreng sakay na serbisyo sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Mayo 1.

“Ang libreng sakay ng LRTA ay tugon sa hiling ng Department of Labor and Employment (DOLE) para kilalanin ang sakripisyo at malaking kontribusyon ng mga manggagawang Pilipino sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya para sa isang Bagong Pilipinas,” ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA).

Ang libreng sakay ay may operasyon mula ika-7:00 ng umaga hanggang ika-9:00 ng umaga at ika-5:00 ng hapon hanggang ika-7:00 ng gabi.

Para makalibre ng sakay ang mga mangggawa, ipakita lamang ang company identification document (ID), o government issued ID.

“Ito pong handog na libreng sakay sa mga manggagawang Pilipino ay pasasalamat ng LRTA sa kanilang kasipagan, kagitingan at kontribusyon sa lipunan. Hindi man po namin matatawaran ang inyong sakripsiyo at ang inyong napakalaking ambag, sana maiparamdam namin sa pamamagitan nitong libreng sakay ang aming taos-pusong pasasalamat sa inyo,” ani LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera.