LRT-1 Roosevelt tinawag nang Fernando Poe Jr. station

Si Sen. Grace Poe habang pinangungunahan ang paglulunsad ng bagong pangalan ng istasyon ng LRT-1 na Fernando Poe Jr. mula sa dating pangalang Roosevelt na matatagpuan sa Quezon City. Ikinatuwa ng senadora ang okasyong ito na ginanap noong Agosto 20 dahil sa pagkilala sa kontribusyon ng kanyang ama sa industriya ng pelikulang Pilipino. (Mula sa Facebook page ni Sen. Grace Poe)

Sa ilalim ng Republic Act (RA) 11608, binago at isinunod sa pangalan ng aktor na si Fernando Poe Jr. ang Roosevelt station ng Light Rail Transit o LRT-1 sa Quezon City noong Agosto 20.

Ang pagpapalit ng pangalan ng istasyon ay itinaon sa pagdiriwang ng ika-84 kaarawan ni Poe na nagkaroon ng seremonya na dinaluhan ng anak ng aktor na si Sen. Grace Poe. Narito rin sina Sen. Tito Sotto III, Sen. Manuel “Lito” Lapid, Transportation Secretary Jaime Bautista, Chief Executive Officer Juan Alfonso, at ibang mga opisyal.

Bahagi rin ng okasyon ang paglulunsad ng bagong tatak para sa yumaong aktor at ang pagtatanghal ng pop-up exhibit na nagtatampok kay FPJ.

“I hope people remember FPJ whenever they board this train. Public service has always been in FPJ’s heart. Giving commuters a safe and comfortable ride is a way of keeping his legacy alive. Having an FPJ station is a beautiful gift for FPJ and his followers,” ani Poe.

Ipinanganak noong Agosto 20, 1939, ang nasabing aktor ay nanirahan din sa Roosevelt Avenue ng nasabing lungsod.

Ang RA 11608 ay iniakda ni Sen. Lapid, inisponsoran ni Sen. Sotto, at nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Noong 2020, isinara ang naturang istasyon ng tren upang dumaan sa konstruksyon at maging dugtong sa pagitan ng LRT-1, Metro Rail Transit Line 3, at MRT Line 7. Muli itong binuksan sa publiko noong 2022.

Yumao si Poe na kinilalang Hari ng Pelikulang Pilipino noong Disyembre 14, 2004.