
Muling naging malaking tagumpay ang pagdiriwang ng Pride Month sa ipinamalas na LoveLab4n Pride PH Festival 2026 na ginanap sa iba’t ibang panig ng bansa noong Hunyo 27.
Sa tala nitong Martes ng Pride PH, na kumakatawan sa pinakamalawak na network ng mga organisasyong LGBTQIA+ sa Pilipinas, umabot sa 561,000 ang dumalo at sumuporta sa selebrasyon. Ang mahigit 300,000 kalahok ay mula sa inorganisa ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa University of the Philippines Diliman habang ang ibang bilang ay mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Naging masigla pa ang selebrasyon sa iba’t ibang aktibidad kabilang ang pagtatanghal ng mga drag queen. Samantala, naobserbahan din ang pagdalo sa event ng celebrities na sina Klea Pineda at Janella Salvador sa UP Diliman.
“Grabe ang pasabog ng pagmamahal at paninindigan! Isang nag-aalab na pasasalamat sa lahat ng nakirampa, nakimartsa, at nakisaya sa #LOVELAB4N. Sabay-sabay nating ipinakita ang lakas ng pag-galaw nang sama-sama at patuloy na binigyang-buhay ang ating pambansang rampa!” ayon sa Pride PH, na kumakatawan sa pinakamalawak na network ng mga organisasyong LGBTQIA+ sa Pilipinas.
Ano ang Pride Month?
Kinikilala ang Hunyo sa buong mundo bilang Pride Month, isang makabuluhang panahon kung saan ang mga miyembro ng LGBT+ community, kasama ang kanilang mga kaalyado, ay nagsasama-sama upang ipagdiwang ang kanilang mga tagumpay, pagnilayan ang mga nagawang pag-unlad, at pagtataguyod para sa patuloy na mga karapatan at pagkakapantay-pantay.
