Libreng sine sa senior citizens ng Muntinlupa simula na sa Hulyo 6

Simula sa Hulyo 6, makapapanood na nang libre ang mga senior citizen ng Muntinlupa City.

Sa anunsyo ng lokal na pamahalaan ng nasabing lungsod, ang mga senior ay makakapanood nang libre sine tuwing Lunes at Martes sa SM Center Muntinlupa, Festival Supermall, at Alabang Town Center.

Ang programang ito ay naaprubahan noong Abril 27 habang nagkaroon ng pirmahan sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng partner cinemas at lokal na pamahalaan, kabilang ang Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) ng lungsod noong Hulyo 2.

Sa programang Libreng Sine Para sa Muntilupeño Seniors, pormal nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement noong Hulyo 2. Ang kasunduan ay sa pagtutulungan ng (mula sa kaliwa) SM Center Muntinlupa, lokal na pamahalaan ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Ruffy Biazon, Festival Supermall, at Alabang Town Center. (City Government of Muntinlupa)

 

Bago ang panonood, kailangang magpakita ng alinman sa mga ID sa staff ng OSCA (na nasa cinema booth ng panonooran) tulad ng OSCA ID o Muntizen Senior ID, Muntinlupa Care Card / Yellow Card, at anumang valid ID na nagpapatunay na kayo ay senior citizen at residente ng Muntinlupa.

Kailangan ding kumuha ng stub mula sa OSCA staff at ipakita ito sa cinema ticket booth para makuha ang iyong free movie ticket.

Paalala rin ng lokal na pamahalaan na isang beses lamang kada linggo ang panonood ng sine o apat na beses sa loob ng isang buwan. Hindi kasama sa panood ng sine ang premier nights, Metro Manila Film Festival entries, VIP shows, o live events.