Libreng sakay sa war veterans sa LRT-2, MRT-3

LRT-2

Bilang pagkilala sa malaking kontribusyon ng mga Pinoy military veterans, ang mga ito ay bibigyan ng serbisyong libreng sakay sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa Abril 5 hanggang Abril 11.

Upang makuha ang serbisyong libreng sakay, ang mga beterano ay kailangang magpakita ng kanilang valid Philippine Veterans Affairs Office  identification card habang nasa oras na sakop ng operasyon ng LRT-2 at MRT-3.

“Ito pong libreng sakay ng LRTA ay para bigyang-pugay at kilalanin ang sakripisyo at kagitingan ng mga beterano. Nawa’y maipadama namin sa simpleng paraan ang aming pasasalamat sa inyo, ” ayon kay Light Rail Transit Authority Administrator Atty. Hernando Cabrera.

“Maghahandog ang MRT-3 ng isang linggong libreng sakay para sa mga beterano at isa nilang companion o kasama sa darating na Abril 5-11. Ito ay bilang pakikiisa ng linya sa pagdiriwang ng ika-82 Araw ng Kagitingan at Philippine Veterans’ Week,” ayon naman sa Facebook post ng Department of Transportation MRT-3.