Libreng Sakay sa EDSA Carousel posibleng ibalik

Sa naging pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, posibleng maibalik ang Libreng Sakay program sa EDSA Carousel upang mapaglingkuran ang mga regular na mananakay nito. (Kuha ng Bilibb)

Posibleng ibalik ang programang ng pamahalaan na Libreng Sakay sa EDSA Carousel sa darating na Pebrero.

Wala pa mang pinal na kasunduan at guidelines sa 24/7 na pasada, posibleng ibalik ang naturang programa para sa ikatutuwa at kapakinabangan ng maraming mananakay na gumagamit ng EDSA avenue.

Sa public briefing, bagaman natapos ang programa noong Disyembre 31, 2022, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaari itong maibalik.

“Sa budget ng department nitong 2023, may nakalaan naman na budget para dito kaya lang sa ngayon, pina-finalize pa ‘yong guidelines ng department habang wala pa ‘yong budget. Baka maibalik ‘yong free ride kaya lang kung paano ito ii-implement, wala pang final guidelines ang department,” ayon sa LTFRB.

Para sa national budget ngayong taon, hiniling ng Department of Transportation ang P12-bilyong pondo para maipagpatuloy ang mabuting programa sa mamamayan, ngunit tinutulan ito ng Department of Budget and Management.

Gayunman, sa paglalahad ni Senador Juan Edgardo Angara, chair ng Senate Committee on Finance, na sa 2023 General Appropriations Act ay may kabuuang P2.6 bilyon pa rin ang inilaan para ipagpatuloy ang pagpapatupad ng free ride program sa iba’t ibang moda ng transportasyon. Kabilang dito ang EDSA Carousel at iba pang mga uri ng pampublikong sasakyan.

Bilang partikular, napaglaanan ng gobyerno ng P1.285 bilyon ang Libreng Sakay program. Kapag naisakatuparan ay maaring paabutin hanggang Hulyo o Agosto ang naturang programa.