Last trip ng tradisyunal na jeep itinakda sa Hunyo 30

Pagbabawalan nang bumiyahe ang mga tradisyunal na jeep matapos ang Hunyo 30 kung hindi sasailalim ang mga operator at driver sa kooperatiba na Public Utility Vehicle Modernization Program bilang kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. (Kuha ng Bilibb)

Pagbabawalan nang bumiyahe ang mga tradisyunal na jeep matapos ang Hunyo 30.

Kinakailangang sumailalim ang mga operator at driver sa kooperatiba na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program kung kaya’t mayroon na lamang silang nalalabing apat na buwan para sa kanilang mga prangkisa.

Ang kautusan at palugit ay itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pag-apruba ng Memorandum Circular 2023-013 noong Lunes.

Naging daing na ito noon ng maraming jeepney operators at tutol na maging bahagi ng PUV Modernization Program dahil sa masyadong mahal ang pagpapalit ng mga sasakyan. Anila, naroon din ang pangambang mawalan sila ng hanapbuhay.

Ibinalita na ang isang modernong jeep ay nagkakahalagang P2.4 hanggang P2.6 milyon at ang babayaran kada buwan para rito ay mula P31,000 hanggang P33,000 bukod pa sa ibang bayarin. Kinakailangan din na hindi bababa sa 15 unit ang kukunin para sa modernong ruta.

Sa pagtutol na ito, gayunman, una nang sinabi ng LTFRB na 60 porsyento na lamang ng dami ng mga sasakyan para sa modernisasyon ang nakasunod sa mga kinakailangan sa ilalim ng programa tulad ng pagsasama-sama ng industriya sa mga kooperatiba. Samantala, ang natitirang porsyento ay patuloy na bumibiyahe gamit ang mga tradisyunal na jeep.

Unang itinakda sa Marso ang pagkapaso ng mga prangkisa para sa tradisyunal na jeep. Iniurong ito hanggang Abril ngunit nagtakda ng panibago na hanggang huling araw na lamang ng Hunyo.