Larga tayo sa Bonsai No Sato Park!

Sampalok bonsai (Kuha ng Bilibb)

Sa kadulu-duluhan ng Cauayan City sa lalawigan ng Isabela, larga na tayo sa Bonsai No Sato Park na laging ready sa pagbibigay ng makabuluhang relaxation lalo na sa mga dayong nature lover.

Ang bonsai ay Japanese term na nangangahulugang “tree in a container.” Isa itong masining na pag-aalaga at pagdidisenyo ng mga Japanese sa mga puno. Hango ang kaugaliang ito sa tradisyunal na sining ng mga Chinese na kung tawagin ay “pensai.” Samantala, ang “no sato” ay nangangahulugang isang village.

Tugas bonsai (Kuha ng Bilibb)

Ang Bonsai No Sato Park o bonsai village ay nagsimula noong pandemya dahil na rin sa hilig sa pagbo-bonsai ng isang pamilya sa pangunguna ni Ms. Librada Africano na siya ring manager nito.

Ang lugar ay may lawak na 10 ektarya at ang tatlong ektarya nito ay ginagamit bilang park. Sa laki nito ay detalyadong makikita ang mahigit sa 300 bonsai at iba pang mga halaman dito.

Si Ms. Librada Africano habang ibinabahagi sa media ang pagsisimula ng kanilang Bonsai No Sato Park. (Kuha ng Bilibb)

Tubong Nueva Ecija si Ms. Librada at kahit pa noong dekada 80 ay nakahiligan na niya ang bonsai. Kalaunan, nakapangasawa ng isang taga-Isabela at ibinahagi ang kaalaman sa kanyang hilig. Isa nang retired teacher si Ms. Librada kaya’t patuloy ang paggugol ng oras para manatiling maganda ang kanilang park.

(Kuha ng Bilibb)

Kuwento niya, naging unang pagbo-bonsai niya ang balete dahil madaling hanapin at alagaan. Mula rito ay lumawak pa ang kaalaman niya sa napiling hobby na minamana ngayon ng kanyang mga anak at manugang.

Payo ni Ms. Librada, ang mga punong puwedeng i-bonsai ay sampalok, chico, bayabas, star apple, pine tree, tugas, o anumang matigas at perennial trees na may maliliit na dahon.

(Kuha ng Bilibb)

Plants and all

Ang ilan sa mga bonsai na makikita sa park ay Tugas, Sampalok na namumunga nang regular size, Argao Taiwan, Bantigue at iba pa.

Sa lawak ng lugar, may iba’t ibang tanim din ang may-ari nito tulad ng kamatis, talong, strawberry, melon, at iba pa. Mabibighani rin sa ganda ng kanilang Konnichiwa Flower Garden.

Konnichiwa Flower Garden (Kuha ng Bilibb)

 

Eat-all-you-can sa park!

Hindi pagsasawaan ang park dahil may dahilan din para mag-enjoy sa kanilang eat-all-you-can treat tuwing Huwebes hanggang Linggo lalo na sa gabi na hindi nalalayo sa presyong P300 kada tao.

Matatakam sa sari-saring inihaw mula pork, mga isda, at mga gulay din para sa health conscious. May masasarap ding meryenda o dessert tulad ng vegetable salad, buko pandan, tambo-tambong (ginataang bilo-bilo), at iba pa. May malasang mga inumin din na kukumpleto sa kainan. Maaaliw din sa selection ng music o sa kanilang live bands.

May playground din para sa mga bata at kahit pa sa mga young at heart para iwas boredom.

Sa laki at dami ng mao-offer ng Bonsai No Sato ay bukas ito sa mga gustong rumenta para sa iba’t ibang activity.

Ayon sa maraming pag-aaral ang mga puno’t halaman ay maraming health benefits – physical man o mental – lalo na kung exposed at nag-aalaga ka ng mga ito. Kaya kung gusto ninyong ma-relax, larga na sa Bonsai No Sato Park!

(Kuha ng Bilibb)

Bonsai No Sato Park

Brgy. Faustino, Cauayan City, Isabela

Operation: Tuesday – Sunday from 8:00 AM to 9:00 PM

Admission: P50.00