Lakbay, babad, sarap sa Avila Beach Philippines

Trip ninyong maglakbay at magbabad sa beach sa labas ng Metro Manila? Tara sa Quezon at naroon ang Avila Beach Philippines!

Ang Avila Beach resort ay matatagpuan sa Brgy. Catablingan, General Nakar sa lalawigan ng Quezon.

Nag-iisa lamang ang Quezon Province sa Pinas pero mas maraming nakaaaalam na ang Quezon ay katabi lamang ng Batangas at Laguna. Dahil mahaba ang nasasakupan ng Quezon, ang General Nakar ay katabi ng Bulacan at Rizal.

Ang General Nakar sa lalawigan ng Quezon kung saan matatagpuan ang Avila Beach Philippines.

Unang kaming napadpad dito noong unang bahagi ng 2022. Kainitan kaya sakto sa hinahanap na ambiance sa dagat. Mainit din ang pagtanggap sa amin ng mga magiliw na may-ari ng resort na sina Mr. Roberto Buerano at kabiyak niya na kilala sa tawag na “Mama Susan.”

Kung dadayo rito, isang bagay na hindi dapat ipag-alala ay ang malawak na parking space kaya nagkasya ang coaster na sinakyan namin kahit maraming iba pang nakagarahe.

Kapansin-pansin sa resort ang kanilang Bali-inspired cottages na malapit mismo sa dagat at mula rito ay tanaw ang Polillo Island na nagpaganda rin sa tanawin.

Ang Bali-inspired cottages na masarap tambayan sa Avila Beach Philippines.

Ang cottages ang mas magandang kuning rooms dahil mas ramdam ang sariwang hangin kung hindi trip gumamit ng electric fan lalo na sa pagsapit ng dapit-hapon hanggang gumabi. Dahil nasa beach, mas okay ang cottages kumpara sa air-conditioned rooms na puwede namang ma-experience sa mga siyudad sa Kamaynilaan.

Ang isa sa air-conditioned rooms ng Avila Beach Philippines.

Ngayon, nagbagong bihis ang resort as mas gumanda na dahil mayroon na silang swimming pools – may option ang mga ayaw sa dagat. Sarap ding “umistambay” dahil may malakas silang WiFi para sa gustong magtrabaho o mag-net surfing. May videoke rin sa mga feel maging singer.

Sa mga nag-aalala kung lulusong sa dagat, walang dikya kaya walang humpay ang babaran habang may paddle boards. May marerentahan ding bangka kung nais maglakbay o patungong kuweba na nasa ibang bahagi ng karagatang naririto. Puwede rin ang mag-rent ng tent na kalapit dagat at mag-bonfire sa kalamigan ng gabi.

Ang paddle boards na puwedeng rentahan.

Pagkaing tatak Avila Beach Ph

Isa sa tunay na pinakabinabalik-balikan sa Avila Beach ay ang kanilang mainit na pagtanggap sa kanilang guests. Katunayan, napipiling event venue ito lalo na kapag may summer activities. Anumang lahi ay pihadong welcome sa kanilang resort na sinasabayan pa ng samu’t saring mga pagkaing nababagay sa karagatan. Masasarap ang pagkain dahil ang tubong Bicol si Mama Susan at sinisiguro niya na ang bawat putahe ay magugustuhan ng mga bisita.

Ilan sa number one sellers nila ay ang buttered shrimps, kinilaw tuna/tanigue, adobong pusit, fish steak, inihaw na liempo o manok, iba’t ibang putaheng may gata, at iba pa. Maaari rin kayong magpaluto kung may iba pang nais tikman.

Ang restaurant ng Avila Beach Philippines.
Ang resort review ng isa sa naging foreign guests ng Avila Beach Philippines.
Ensaladang pako, pork cordon bleu, at halabos na alimasag.
Ginataang laing na may sugpo, Lapu-lapu sweet and sour, at ginataang alimango na may kalabasa.
Inihaw na pusit, inihaw na hito, at pakbet na may bagnet.

Patungong Avila Beach Philippines

Marilaque Highway ang magandang daan patungong Avila Beach resort. Halaw ang pangalang Marilaque sa Marikina, Rizal, Laguna, at Quezon. May twisting roads na naririto at scenic mountains ng mga nasabing lugar kaya enjoyable habang bumibiyahe ng nasa tatlong oras para marating ang destinasyon.