Laban para sa comfort women nagpapatuloy

Sa isyung kinahaharap ng Pinay comfort women, pinangunahan ito nina (mula sa kaliwa) Teresita Ang See, Atty. Romel Bagares, Atty. Virgie Suarez, Sharon Silva, at Atty. Dennis Gorecho (wala sa larawan). Sila ang nasa ilalim ng kampanyang Flowers-for-Lolas na nagsusulong sa mga karapatan ng comfort women. Tinalakay ang usaping ito kasama ang moderator na si Wilson Lee Flores noong Marso 17, 2023. (Kuha ng Bilibb)

Mabigat pa rin ang sentimiyento ng iba’t ibang grupo para sa laban ng ating comfort women o mga Pilipinang dumanas ng sekswal na pang-aalipin ng mga Hapon noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Itong Marso 17, tinalakay ang sitwasyon ng Pinay comfort women at binigyang boses ito nina Teresita Ang-See, head convenor ng Flowers for Lolas Campaign; Atty. Romel Bagares; Atty. Virgie Suarez; Sharon Silva; at Atty. Dennis Gorecho. Sila ang mga sumusuporta na magkaroon ng hustiya at kilalanin ang mga karapatan ng comfort women.

Ang karaniwang edad ng naging Pinay comfort women ay sa pagitan ng 9 hanggang 14 taong gulang. Sa huling bahagi ng dekada 90, umabot lamang sa 400 ang lumabas o piniling magkuwento ng kanilang karanasan.

Sa ulat, nasa 50 na lamang ang nabubuhay na comfort women ngayon ngunit wala pa ring natatanggap na katarungan ang mga ito. Ang usapin ding ito ay nais dalhin ng grupo sa Department of Justice para pag-usapan.

Ang Pinay comfort women na sina Narcisa Claveria (kaliwa) at Estelita Dy habang nasa isang rally sa Plaza Rajah Sulayman sa Maynila noong umaga ng Marso 4, 2023 para sa kanilang panawagan na magkaroon ng hustsiya ang kanilang mga sinapit. (Flowers4Lolas Facebook page)

UN committee: Pinas lumabag sa karapatan ng comfort women

Sa reaksyon ng United Nations women’s right committee noong Marso 8, nilabag ng Pilipinas ang mga karapatan ng comfort women.

Ayon sa Committee on the Elimination of Discrimination against Women (CEDAW), lumabag ang bansa sa mga obligasyon nito sa ilalim ng Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination against Women matapos masuri ang reklamo ng comfort women.

Ang CEDAW, na inaprubahan ng United Nations General Assembly, ay kilala bilang international bill of rights para sa mga kababaihan.

Isa ang Flowers-for-Lolas campaign sa lumalaban sa mga karapatan ng ating comfort women. Higit pang nabuo ang matapang nilang prinsipyo nang tinanggal ang comfort women statue sa Baywalk sa Roxas Boulevard sa Maynila noong gabi ng Abril 27, 2018. Sinasabing ang seven-foot bronze statue ay inalis ng Department of Public Works and Highways upang magbigyan-daan ang isang drainage project.

“Suporta ng Pinas sa mga Hapon mayroon, sa Pinay comfort women wala!”

Ayon sa grupo nina See, hindi naging patas na habang tinanggal ng pamahalaan ang comfort women statue ay may pagpayag ito na gawin ng Japan na magtayo ng isang shrine sa Pampanga para sa kanilang Kamikaze na mga sundalo, na siyang brutal na umokupa rin sa bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

“As for Flowers-for-Lolas, like a million flowers, we want our advocacy to resonate with every Filipino who believes that we never, never should allow wars of any kind to victimize us again and who believe that Japan must pay for their atrocities to our lola victims,” ayon kay Ang-See.

Mga isinusulong na laban para sa comfort women:

  1. Ipatupad agad ang mga rekomendasyon ng CEDAW.
  2. Bumuo ng isang task force upang matiyak na ang lahat ng aspeto ng mga rekomendasyon ng CEDAW ay naka-budget para sa pagpapatupad.
  3. Magtatag ng Pangkalahatang Pondo para sa opisyal na kabayaran ng mga biktima, na kinabibilangan ng opisyal na paghingi ng tawad at mga materyal at moral na pinsala. Ito ay para sa patuloy na diskriminasyon na kanilang dinanas at pagsasauli, rehabilitasyon na pagpapanumbalik ng kanilang dignidad at reputasyon na kinabibilangan ng pananalapi na reparation. Katumbas ito ng pisikal, sikolohikal at materyal na pinsalang dinanas nila at sa kabigatan ng mga paglabag sa kanilang mga karapatan.
  4. Sabihin sa CHED na gawing mainstream sa curricula ng lahat ng mga institusyong pang-akademiko, kabilang ang edukasyon sa sekondaryang unibersidad, ang kasaysayan ng mga kababaihang Pilipino na biktima/nakaligtas sa pagkaalipin sa panahon ng digmaan, dahil ang pag-alaala ay kritikal sa isang sensitibong pag-unawa sa kasaysayan ng mga paglabag sa karapatang pantao na dinanas ng mga ito kababaihan, upang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagsusulong ng karapatang pantao, at upang maiwasan ang pag-ulit nito.
  5. Lumikha ng isang memorial upang mapanatili ang lugar ng Bahay na Pula o magtatag ng isa pang lugar upang gunitain ang pagdurusa na idinulot sa mga biktima/nakaligtas sa pagkaalipin sa panahon ng digmaan at para parangalan ang kanilang pakikibaka para sa hustisya.
  6. Magtatag ng iba pang shrines at memorials upang magbigay-galang at i-highlight ang dignidad ng ating mga kababaihang biktima ng mga pang-aabuso kabilang dito ang pagpapanumbalik ng estatwa ng comfort women.