Kontribusyon sa PhilHealth tataas sa 5%

Mula sa kasalukuyang 4% premium rate, tataas sa 5% ang mandatoryong kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa sandaling aprubahan ito ng Palasyo ng Malacañan.

Nasa Section 10 ng Republic Act 11223 o Universal Health Care law ang pagtataas ng kontribusyon sa PhilHealth ngunit sakaling hindi ito payagan ng Palasyo ay susundin ito ng ahensya.

Ayon sa PhilHealth, ang karagdagang kontribusyon ay malaking tulong upang tugunan ang mataas na gastusing medikal dahil na rin sa inflation na nararanasan. Mula rito ay higit na mapaglilingkuran ng ahensiya ang mga miyembro nito.

Ang maaapektuhan ng pagtataas ng kontribusyon ay ang mga miyembrong kumikita mula P10,000 hanggang 100,000 kada buwan.

 

Ano ang PhilHealth

Ang PhilHealth ay isang korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno sa bansa. Ito ay itinatag noong 1995 sa ilalim ng National Health Insurance Act na may layuning magbigay ng accessible at abot-kayang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng Pilipino.

Ang PhilHealth ay tumatakbo sa ilalim ng prinsipyo ng social health insurance, kung saan ang mga miyembro ay nag-aambag ng mga premium batay sa kanilang kita at may karapatan sa isang komprehensibong pakete (package) ng mga benepisyong pangkalusugan.