
Patuloy pa rin ang Philippine Heart Association (PHA) sa adhikaing magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga Pilipino at magsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) para makasagip ng buhay sa nakarararanas ng cardiac o respiratory arrest.
Tinalakay ito kamakailan sa Usapang Puso sa Puso, proyekto ng PHA, kaugnay ng pagsulong sa World Restart a Heart Day noong November 4 sa Quezon City.
Maliban dito, isinusulong din ng PHA na maging handa ang Pilipinas sa automated external defibrillator (AED), emergency medical services (EMS) at 911 na unified emergency response system.
Halaga ng CPR at datos ng mga biktima ng cardiac arrest
Mahalaga ang CPR hindi lamang para maisalba ang buhay ng pasyente kundi upang manatiling gumagana ang utak at iba pang organs nang hindi maging lantang gulay o maiwasan ang pagkaparalisa. Isinasagawa ito lalo na kung wala pa ang inaasahang tulong mula sa propesyonal.
Sa mga nakaaangat na bansa, mataas ang tsansang mabuhay ang kanilang mga pasyenteng biktima ng cardiac arrest — nasa 30 to 50% ang survival rate.
Sa Pilipinas, umaabot sa 70,000 ang namamatay taon-taon dahil sa kasong ito. Mailigtas man ay wala pa sa 5 porsyento ng nasabing bilang.
Base sa pag-aaral, nangunguna ang ating bansa sa Asia sa talaan na may kaso ng cardiac arrest, kadikit natin ang India.
“If you talk about sudden cardiac arrest, it is a condition wherein the heart suddenly stops beating. Usually, the cause is heart problems — but not always. ‘Yung heart attack, puwedeng mamatay diyan. Pero ‘yung sudden cardiac arrest, hindi lahat puro puso. But majority — I would say 70% — would be due to a heart problem,” paliwanag ni Dr. Don Robespierre Reyes, Chair ng PHA-Council on Cardiopulmonary Resuscitation.
Mandato ng PHA
Isang dekada nang inilalaban ng PHA ang mandatong maging CPR-Ready Philippines tayo pero kulang na kulang pa rin ang kaalaman sa life-saving technique na ito. Ito rin ang naging daan sa pagkakaroon ng ng Republic Act 10871 o ang CPR Act of 2016 (Samboy Lim Law) na naipasa noong July 2016.
Higit sa pagpapalaganap ay mas solido ang organisasyon sa implementasyon ng CPR-Ready PH.
Patuloy pa sa panawagan ang PHA sa Department of Education na palaganapin ang hands-only CPR sa mga paaralan dahil kahit ang mga estudyante ay kayang magawa ito ngunit salat sa suporta ang ahensya ng pamahalaan.
Tinatarget din na sa bawat isang bahay ay mayroong kahit isang marunong mag-CPR.
Simula 2020, nakapag-train na ang PHA ng mahigit sa 111,000 Pinoy sa basic at advanced life support sa 28 accredited training centers, paaralan, ospital, workplaces, at mga barangay. Regular itong ginagawa at taon-taon.
Kahit pa sa Department of Tourism ay nakikipagtulungan ang PHA noong pang 2024 para magkaroon ng first aid kiosks sa tourist areas.
CPR hindi pa sapat
Dahil hindi sapat ang CPR, isinusulong din ng PHA ang AED Bill para magkaroon nito sa public areas.
Ang AED ay nagbibigay ng kuryente sa mga biktima ng cardiac arrest na kapag ginamit ay tumataas sa 30 porsyento o higit pa ang tsansang mabuhay ng isang biktima ng cardiac arrest.
Bilang paglulunsad pa ng PHA, itinutulak din ang Unified 911 system na isang integrated emergency response ecosystem. Ito ay ang agarang pagtawag sa 911 upang higit pang makapagsaklolo sa cardiac emergencies.
Sa naturang event, dumalo at nakiisa ang Department of Health, Emergency 911 National Office, Philippine College of Emergency Medicine, at Philippine Red Cross.
Samantala, patuloy pa sa pangangalampag ang PHA sa pakikiisa ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan at pakiusap na makiisa rin ang mga pribadong sektor.
