Kaso ng Covid-19 sa bansa tumataas

Mula Abril 17 hanggang 23, patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan nakapagtala ito ng 3,148 sa nakaraang linggo.

Sa datos, lumalabas na may 450 na kaso ng COVID-19 ang naitatala kada araw na naglagay ng pambansang positivity rate sa 8.8 porsyento, ayon sa Department of Health (DOH).  Sa bilang na ito, 14 na kaso ang itinuring na malubha o kritikal.

Bagama’t hindi pa tapos ang pandemya, sa loob ng tatlong taong nananalasa ito ay mahigit 4,089,394 kaso ng COVID-19 ang naiulat sa bansa at 66,444 ang mga nasawi.

Kaugnay pa nito, mahigit 79.1 milyong Pilipino ang nakatanggap na ng buong bakuna laban sa COVID-19 sa kasalukuyan. Gayunman, pinag-iingat pa rin ang publiko at pinapayuhan na sumunod sa mga alituntunin upang makaiwas sa naturang sakit. Patuloy din ang monitor ng pamahalaan sa omicron subvariant XBB.1.16.

Ang naitala ng Department of Health (DOH) hinggil sa kaso ng COVID-19 sa bansa noong Abril 25. (Mula sa website ng DOH)