Kasaysayan ng Araw ng Manggagawa

Nilikha ang Labor Day o Araw ng Manggagawa bilang pagkilala sa kahalagahan at kontribusyon ng mga manggagawa sa pagtaguyod ng kanilang mga pamilya, industriya ng trabaho at sa ekonomiya.

Sa Amerika unang kinilala ang okasyon dahil sa mga mabibigat na pangyayaring may kinalaman sa mga manggagawa.

Noong huling bahagi ng 1800s, ang karaniwang oras ng trabaho ay umaabot ng 12 oras kada araw na hanggang pitong araw, samakatuwid ay halos walang pahinga. Kahit na may mga paghihigpit sa ilang mga estado, ang mga batang edad 5 o 6 ay nagbabanat na ng mga buto sa mga gilingan, pabrika at minahan sa buong bansa, na kumikita ng kakarampot na sahod kumpara sa mga kasamang nasa hustong gulang.

Napakaraming tao ang napakahirap noon at madalas na nahaharap sa kondisyon sa labis na hindi ligtas sa pagtatrabaho. Kabilang dito ang hindi sapat na sariwang hangin, sanitary facility at pahinga sa lugar kung saan sila nagtatrabaho.

Sa New York City unang nilikha ang Labor Day holiday at ito ay ginanap noong Setyembre 5, 1882 kung saan nagkaroon ng parada ng 10,000 manggagawa upang iparating ang kanilang katayuan.

Bakit may Mayo 1 bilang Labor Day?

Ang petsang Mayo 1 na kilala ring May Day (isang sinaunang European folk holiday) ay nagsimula bilang alternatibong holiday para sa pagdiriwang ng paggawa at kalaunan ay naging International Workers’ Day. Ang petsa ay konektado sa 1885 convention ng American Federation of Labor na nagpasa ng isang resolusyon na nananawagan para patibayin ang walong oras na araw ng trabaho na naging epektibo noong Mayo 1, 1886.

Sa Pilipinas, unang ipinagdiwang ang Araw ng Manggagawa noong Mayo 1, 1903. Nagkaroon ng malakihang parada na umabot sa mahigit 100,000 katao ang lumahok na sinimulan sa Plaza Moriones sa Tondo hanggang sa Malacañan sa Maynila. Ito ay malinaw na protesta sa paghingi ng patas na sahod at mas magandang kondisyon sa pagtatrabaho habang nasa gobyernong pinamunuan noon ng mga Amerikano.

Bago ang pagdiriwang ay dumaan din ito sa isang laban kung saan naroon ang hiling sa patas na kondisyon sa pagtatrabaho ng mga manggagawa, kabilang ang walong oras na araw ng pagtatrabaho, pagwawakas sa pagtatrabaho ng mga bata, pantay na pamantayan sa paggawa para sa kababaihan, at responsibilidad ng mga employer sa kanilang mga empleyado.