Kare-kare kinilalang best stew sa mundo

Sa 100 entries na mga pagkain sa buong mundo, ika-52 ang kare-kare ng Pilipinas sa Best Stews ayon sa TasteAtlas, kilalang online map of food sa mundo. Sila ang malawak na food guide website na naglilista at nagraranggo sa mga pagkaing pang-internasyunal.

Ang kare-kare ng Pampanga ay nakakuha ng 4 stars out of 5 kaya naman malaking karangalan ito sa atin.

Napabilib ang TasteAtlas sa ating kare-kare. Ang sangkap nito na peanut puree ay siyang mismong nagpaangat dahil mayroon itong kakaiba at makremang lasa na nagpapabuo sa mismong kare-kare.

Noong nakaraang taon, kinilala rin ng TasteAtlas ang mga putaheng Sinigang na Baboy, Lumpiang Shanghai, at Tocino bilang mga best dishes sa bansa.

At iyan ang isa lamang sa mga masasarap na kuwento ng tagumpay ng mga Pilipino.

KARE-KARE AT MGA SANGKAP NA KAY SARAP-SARAP

Kung sarap din lamang naman ang pag-uusapan, panalo talaga ang mga sangkap ng kare-kare.

Ang mga sangkap nito ay buntot ng baka, petsay, talong, sitaw, puso ng saging, mani, bawang, sibuyas, paminta, atsuete, giniling na bigas at bagoong alamang bilang side dish. Ang mga ito ay tradisyunal na niluluto at pinalalambot ang baka nang maigi sa palayok.

KASAYSAYAN NG KARE-KARE SA PILIPINAS

May isang pahayag kung saan nagmula ang kare-kare na gustong-gusto ng marami sa atin.

Daang taong na ang nakalilipas nang magsimula ang kare-kare sa Pilipinas.

Alam ninyo ba na ang putaheng ito ay hango rin sa mga pagkaing Indiyano? Ang mismong salitang “kare-kare” o kari ay hango sa “curry” na ang ibig sabihin ay sarsa. Ito ang isa sa mga putaheng Pinoy na bida sa mga handaan.

Ang paglulutong iyan ay pinalawig pa ng kaalaman ng Pinoy sa sining sa pagluluto. Ang kare-kare ay unang binuo ng mga kapatid nating Moro na may lahing Indonesian at sa paglaon ay mas pinasarap pa ng husay ng mga Kapampangan. Hindi ito nakapagtataka dahil ang Pampanga ay kilalang “Culinary capital of the Philippines”.