Kapuso artists tampok sa Miss Iriga City, Miss Rinconada at Miss Bicol Tourism

Ang 22 official candidates ng Miss Iriga City, Miss Rinconada, at Miss Bicol Tourism 2023 sa kanilang Public Presentation kasama ang Mayor ng Iriga City Hon. Rex Oliva (gitna).

Iriga City, Camarines Sur – Apat na maniningning na Kapuso artist ng GMA Network ang tampok sa nalalapit na Miss Iriga City, Miss Rinconada, at Miss Bicol Tourism 2023 na inorganisa ng local government ng Iriga City sa pangunguna ni Hon. Mayor Rex Oliva.

Ang mga Kapuso stars ay sina Martin Javier at Sophia Senoron na magsisilbing celebrity hosts ng pageant.

Si Martin ay kilala bilang sikat na NCAA (National Collegiate Athletic Association) correspondent, gayundin si Sophia na isa ring international beauty queen at kinoronahang Miss Multinational 2017. Kasama nila ang guwapo at tsinitong aktor na si Ken Chan

Si Ken ang siyang magbibigay ng serenade segment sa mga kandidata at Asia’s Limitless Star na si Julie Anne San Jose na magkakaroon din ng espesyal na entertainment spot number sa finals ng pageant.

Ang special guests ng gaganaping Miss Iriga City, Miss Rinconada, at Miss Bicol Tourism 2023.

Dalawampung magaganda at katangi-tanging binibini ang magtatagisan ng ganda at talino sa pageant. Sila ay sina Johanna Recuenco, Mary Claire Chavez, Lorenz Jean Lagasca, Ma. Alera Garcia, Mary Dine Mong, Marga Joyce Sayson, Trizia Mare Abonita, Sandip Kaler, Rabella Charie Benet Lee, Angela Sheriza Tino, Shaina Rabacal, Shane Juelar Barlela, Erica Mae Ailafranca, Nikita Marisse Awa, Shane Macy Zapata, KC Siarza Casco, Rani Lachmi Menghamal Dado, Shekinah Toledo Ibiza, Janna Lanuzga Katrina Loi Yu, at Angela Karla Abay.

Bago ang pinakaaabangang finals night, isang pre-pageant talent competition ang magaganap sa June 9, 6 P.M., sa Iriga City Sports Complex na kung saan magpapakita ng mga natatanging talent presentations ang mga kandidata.

Tatlong prestihiyosong titulo at korona ang igagawad sa gabing ‘yon: ang Miss Iriga City para sa mga kandidatang mula sa Iriga City at tatanggap ng P150,000 cash prize; Miss Rinconada para sa mga kandidata ng Rinconada District na binubuo ng mga Bayan ng Buhi, Bato, Baao, Nabua, at Balatan na tatanggap ng P100,000 cash prize; at Miss Bicol Tourism na tatanggap din ng P100,000 cash prize para naman sa mga kandidatang galing sa iba’t ibang bayan ng Bicol bukod sa Iriga City at Rinconada District.

Gaganapin ang Grand Coronation Night sa Hunyo 11, 6 P.M., sa Iriga City Sports Complex, Iriga City, Camarines Sur.