Kahiligan sa instant noodles peligroso sa metabolic syndrome

Mahilig ka ba sa pagkain ng iba’t ibang klaseng instant noodles? Gaano ka karaming kumain nito? Ilang beses sa isang araw o isang linggo?

Ang pagkain ng instant noodles ay hindi masama sa kalusugan kung in moderation lamang ito ginagawa. Dapat nating tandaan na dahil instant noodles ito at abot-kaya ang presyo ay asahan din na mababa ito sa nutrisyon kaya dapat huwag maging bahagi ito ng inyong pangunahing pagkain.

Hindi rin tama na palaging kumain nito dahil ang instant noodles ay may preservatives, mataas sa asin at monosodium glutamate (MSG) kaya inirerekomenda ng mga eksperto na kumain lamang nito ng dalawang beses sa loob ng isang buwan para sa mas ligtas at maayos na kalusugan.

Upang magkaroon ng mataas na nutrisyon ang instant noodles, mainam na samahan ito ng mga gulay at damihan ng tubig upang mabawasan ang alat nito.

Sa pagkain nang madalas ng instant noodles, kalaunan ay tumataas ang peligro sa pagkakaroon ng metabolic syndrome.

Metabolic syndrome

Habang tumatanda ang tao, tumataas ang peligro natin sa pagkakaroon ng metabolic syndrome.

Ang isang grupo ng mga sakit na kilala bilang metabolic syndrome ay nagpapataas ng pagkakataon o peligrong magkaroon ng sakit sa puso, stroke, at type 2 diabetes.

Pangunahing dahilan ng metabolic syndrome

Ang mga pangunahing dahilan ng panganib para sa metabolic syndrome ay ang pagiging sobra sa timbang (overweight at obesity) dahil maaaring pataasin ng mga ito ang masamang LDL (low-density lipoprotein) cholesterol, triglycerides (uri ng mga taba) sa dugo, at presyon ng dugo habang binababa ang mabuting HDL (high-density lipoprotein) cholesterol.

May mga senyales ba sa pagkakaroon nito?

Ang diagnosis ng metabolic syndrome ay ginagawa sa sandaling magkaroon ng hindi bababa sa tatlo sa sumusunod na limang pangunahing kadahilanan ng panganib:

– Sobrang katabaan sa baywang

– Alta presyon o high blood pressure

– Mataas na lebel ng triglyceride (uri ng taba)

– Mababang HDL cholesterol o good cholesterol

– High fasting glucose (asukal sa dugo)

Dapat ding malaman na kalimitang walang pisikal na sintomas ang pagkakaroon ng metabolic syndrome. Kalaunan, ang mga kondisyong medikal na nauugnay sa metabolic syndrome ay unti-unting lumalala.