Kagas o devil crab ipinagbabawal kainin; nakalalason

Ang devil crab o kagas.

Naglabas ng abiso ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)– Region 9 noong Hulyo 8 na hindi dapat kumain ng kasag (kagang, kuray, kalas-kalas o devil crab) dahil ito ay nakalalason.

Ang babala ay kaugnay sa ulat na may pumanaw ng isang residente ng Liloy, Zamboanga del Norte matapos kumain ng kagas at naospital ang mga miyembro ng pamilya dahil dito.

Ang naturang lamang dagat ay nasa pamilya ng alimango o alimasag at hindi lahat ng mga ito ay ligtas kainin. Ang kagas ay may lason at maaaring makamatay sa loob ng ilang oras. Mahigpit ding payo ng eksperto na hindi maaalis sa pagluluto ang mga lason na mula sa lamang dagat na nabanggit.

Mga palatandaan ng epekto ng lason mula sa pagkain ng kagas

  • Pamamanhid ng dila at paligid ng bibig
  • Hirap sa paghinga
  • Paninikip ng dibdib
  • Pagsusuka, paglalaway, at pagkauhaw
  • Pagkahilo
  • Pag-iiba ng panlasa
  • Paglabo ng paningin
  • Pagsakit ng ulo
  • Pagdudumi at pagsakit ng tiyan
  • Hirap sa pagsasalita at paglunok
  • Matinding pagkaparalisa ng kalamnan na nagiging sanhi ng pagkawala ng malay at pagkamatay

Ipinapayo ng BFAR na kapag nakaranas ng mga nasabing palatandaan ay agad na magtungo sa ospital.