Jose Mari Chan tumanggap ng FFCCCII Lifetime Achievement Award

Ang Filipino music icon na si Jose Mari Chan na masayang nagbibigay ng mensahe sa natanggap na pagkilala na "Lifetime Achievement Award in Philippine Music and Arts" mula sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) dahil sa mga kontribusyon nito sa kultura at sining sa bansa. Ang parangal ay pormal na ibinigay noong Disyembre 14, 2022 sa Pandesal Forum ng 83-year-old na Kamuning Bakery sa Quezon City. (Kuha ng Bilibb)

Labing-isang araw bago mag-Pasko, isang makasaysayang okasyon para sa Filipino music icon na si Jose Mari Chan na tumanggap ito ng pagkilala mula sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) dahil sa mga kontribusyon nito sa bansa.

Pormal na inabot sa top sugar businessman na si Chan ang “FFCCCII Lifetime Achievement Award in Philippine Music and Arts” kasabay ng isang espesyal na medalyon.

Ginanap ito sa Pandesal Forum ng 83-year-old na Kamuning Bakery sa Quezon City, tanghali ng Disyembre 14, 2022.

Dumalo sa okasyon sina China Ambassador Huang Xilian, Cebu City Mayor Mike Rama, ang mga opisyal ng FFCCCII na sina President Dr. Henry Lim Bon Liong, Vice-President Cecilio Pedro, Public Information Committee Vice-President & Adviser Jeffrey Ng, at Public Information Committee Chairman Wilson Lee Flores.

Sa pangunguna ni Dr. Lim, nagbigay ang kanilang grupo ng isang liham noong Disyembre 13, 2022 sa National Commission for Culture and the Arts upang iendorso at maging nominado si Chan bilang National Artist dahil sa mga nagawa nito sa kagandahan ng kultura at sining ng bansa.

Ang pagkilalang ito ay ang pinakamalaking plake sa henerasyon na ibinigay ng pederasyon na ipinagpasalamat nang husto ni Chan.

Tinatanggap ng music ng icon na si Jose Mari Chan (ikalawa sa kaliwa) ang pagkilalag “Lifetime Achievement Award in Philippine Music and Arts” mula sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII) noong Disyembre 14, 2022 sa Pandesal Forum ng 83-year-old na Kamuning Bakery sa Quezon City. Ang parangal ay inaabot ng mga opisyal ng FFCCCII na sina (mula sa kaliwa) Public Information Committee Vice-President & Adviser Jeffrey Ng, President Dr. Henry Lim Bon Liong, Vice-President Cecilio Pedro at Public Information Committee Chairman Wilson Lee Flores. (Kuha ng Bilibb)

“Music is truly God’s gift to me, God’s gift to mankind and what I do with that gift is my gift back to God,” kuwento ni Chan. “Looking back now I have been writing songs, I have been composing songs for the last 57 years or so. I made my first recording in 1967 but I really owe my musical genes, as I say, both to my Chinese blood and my Filipino blood.”

“My father was 13 years old when he came from China to escape poverty,” pagpapatuloy pa niya. “He came to the Philippines and this is where he worked hard all his life and who we are today we owe this to our father.”

Ang mga nilikhang mga kanta ni Chan ay nagbigay halaga at impluwensiya sa buhay ng mga Pilipino, gayundin sa kanyang suporta sa Filipino-Chinese community. Sa kabila rin ng kanyang katanyagan sa loob ng maraming dekada ay nananatiling mababang loob ang music icon.

Kasabay ng pagkilala kay Chan, sinuklian naman niya ito ng kanyang pagkanta ng mga popular na awiting inihandog niya para sa media at mga dumalo sa okasyon. Ilan sa mga ito ay ang Perfect Christmas at Deep In My Heart; My Girl, My Woman, My Friend at Please Be Careful With My Heart; at kasama ang awiting Refrain.

 

 

Si Jose Mari Chan at ang kanyang mga obra

Ipinanganak noong Marso 11, 1945 sa Iloilo City, si Jose Mari Chan ay sadyang maituturing nang industriya o matibay na haligi ng bansa sa larangan ng musika.

Nagtapos siya sa kursong Bachelor of Arts Degree in Economics mula sa Ateneo de Manila University.

Isa siyang mang-aawit, TV host, song writer at negosyante sa sugar industry.

Kasalukuyang din siyang chairman at chief executive officer ng Binalbagan Isabela Sugar Company o BISCOM sa Negros Occidental at A. Chan Sugar Corporation. Gayundin siya ay chairman at president ng Signature Music, Inc.

Noong 1974 pinarangalan si Chan bilang isa sa Ten Outstanding Young Men of the Philippines. Tumanggap din siya ng isang Lifetime Achievement Award mula sa Philippine Association of Recording Industry at The Metro Pop Foundation. Recipient din siya ng kauna-unahang ABS-CBN Elite Platinum Award noong 2005.

Kinilala rin si Chan noong 2006 dahil sa natamong Dr. Jose Rizal Award for Excellence.

Trivia

  • Unang lumabas sa telebisyon si Jose Mari Chan noong 1965 bilang bisita sa television show noon na “An Evening with Pilita” ng Asia’s Queen of Song na si Pilita Corrales.
  • Nang sumunod na taon ay naging host at singer si Chan sa “9 Teeners” na isang musical show ng ABS-CBN .
  • Sa awiting “Afterglow” ay napasok niya ang pop music mainstream noong 1967. Tumaas pa ang suporta ng publiko sa kanya nang lumabas ang kanyang kauna-unahang album kung saan narinig ang kanyang awiting “Deep In My Heart” noong 1969.
  • Ang awiting niyang “Refrain” ay ang pinakasentimental na kanta na kanyang nilikha noong 1973 para sa kanyang asawa (noon ay kasintahan pa lamang), nang umalis ito patungong Japan. Ngayong taon ay ika-52 taon na ng kanilang pagsasama at pagmamahalan.
  • Tatlo ang lengguwahe ni Chan na ang una ay Ingles, ikalawa ay Ilonggo, sunod ay ang Tagalog. Dahil sa Tagalog lamang hindi bihasa si Chan, kinakailangan niya ng collaborator o co-writer sa paglikha ng mga awiting Tagalog.

Ang awiting Mamang Sorbetero na pinasikat ni Celeste Legaspi ay magkasamang nilikha noong 1979 nina Jose Mari Chan at yumaong si Gryk Ortaleza (ama ng artistang si Chynna Ortaleza).

Ang naturang kanta ay mula sa orihinal na awitin ni Chan na Mr. Songwriter na kanyang isinulat noong 1973 bilang kanyang protesta sa deklarasyon ng Martial Law sa pagpapasara ng TV networks noon.

  • Sa kahusayan ni Chan, nagtanghal na siya sa mahigit 30 lugar sa mundo kabilang ang USA, Canada, Europe, Asia at iba pa.
  • Noong 1990, ang unang Christmas album niya na “Christmas In Our Hearts” ay tumanggap ng Triple Platinum sales sa parehas na taon. Kinilala rin ito sa Double Diamond Record Award noong 1995 mula sa music industry, Best Christmas Recording at Best Album Package sa Awit Awards. Dito ay mahigit sa 20 million units ang naibenta at kinilala siya ng publiko bilang The Father of Philippine Christmas Music at The King of Filipino Christmas Carols.
  • Tinaguriang “Cliff Richard of the Philippines” dahil sa parehas sila ng boses ng nasabing British singer.