Isyu ng El Niño tinutukan sa pagsagip ng agrikultura

Binigyang-diin ni Israeli Ambassador Dana Kursh ang mga solusyon at maitutulong ng Israel upang maibsan ang epekto ng El Niño sa industriya ng agrikultura sa Pilipinas. (Kuha ni Ann Esternon)

Ibang init ang dala ng El Niño kaya naman ang idustriya ng agrikultura ang isa rin sa lubos na naaapektuhan kabilang ang mahihirap. Upang mapagtibay ang seguridad sa pagkain, kailangang palakasin ang sektor ng agrikultura.

Ito ang naging laman ng talakayang “Beyond El Niño: Building Climate-Resilient Food Systems” na inorganisa ng Stratbase Institute at Embahada ng Israel sa Pilipinas noong Oktubre 22.

Ilan sa mga naging panauhin at tagapagsalita ay sina Professor Victor Andres “Dindo” Manhit, President at CEO ng Stratbase Institute, Israeli Ambassador Dana Kursh, U-Nichols Manalo, Assistant Secretary for Operations at National Rice Program Director ng Department of Agriculture, agricultural experts, at business leaders.

“We view food and water security as non-traditional security because they directly affect lives, economic stability, and national resilience. Addressing these challenges requires a particular approach that connects agricultural policy with investment, infrastructure development, and effective governance,” ani Prof. Manhit.

Ayon naman kay Ambassador Kursh, ang senaryong ito ay danas din ng Israel dahil nasa kalahati ng kanilang bansa ay disyerto pero dahil mayroon silang advanced water management, recycling, at drip irrigation, ang ibang parte ng disyerto ay nagawa pang productive agricultural at residential areas. Binigyang-diin niya kung paanong magiging estratehikong kakampi ng Pilipinas ang Israel sa pagkamit ng seguridad sa pagkain.

“We had an awareness campaign in Israel because we had scarcity of water. And what happened is that throughout the years we made everything possible to solve this. We have four components to address this. It’s policy, awareness, innovation, and implementation. You need to have all those four components in order to address the challenges and in order to do that we need partnership and we need our friendship,” pagbabahagi ni Kursh. “Food security is not just the quality and the quantity of the food that we receive, it’s also all the food chain and how do we manage the water. And all of those things are innovative things that Israel had encountered as well.”

Sa talakayan, mariing tinukoy ang mga magreresolba sa problema. Sa gitna ng nagbabagong klima, kritikal ang maayos na pamamahala sa tubig upang matiyak ang sapat na supply ng pagkain sa bansa. Bagamat mahalagang matugunan ang banta ng El Niño, hindi sapat ang paunti-unting paghahanda tuwing kailan na lamang ito naririto, kundi kailangan ng mga pangmatagalang solusyon. Hindi rin sapat ang pamumuhunan lamang sa teknolohiya, kagamitan, at imprastraktura; dapat ding palakasin ang kasanayan ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang suporta o safety net upang mahikayat silang sumubok ng mga bago at mas modernong sistema. Sa huli, layunin nitong gawing kaakit-akit at matatag na pangkabuhayan ang sektor ng agrikultura upang maging kaaya-ayang karera at pamumuhunan ito para sa mga susunod pang henerasyon.

(Para sa iba pang mga larawan, tingnan dito)

 

Ano ba ang banta ng El Niño?

Ang banta ng El Niño ay patuloy na nagdudulot ng matinding epekto sa seguridad ng pagkain at sa hanapbuhay ng maraming Pilipino. Batay sa babala ng PAGASA o Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, ang tinatayang panahon ng pag-iral nito ay naramdaman na noong Setyembre na tutuloy hanggang Disyembre at posibleng umabot hanggang sa unang kalahati ng 2027, kung saan maaari itong umabot sa napakatinding antas.

Dahil sa pagbaba ng antas ng ulan at limitadong patubig sa nakalipas na dalawang buwan, patuloy na naapektuhan ang mga ani sa iba’t ibang sakahan. Ayon sa ulat ng Office of Civil Defense, umabot na sa ₱6.8 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsalang naidulot ng El Niño sa sektor ng agrikultura ngayong taon. Sa matinding pinsalang ito, umabot na sa 109 na rehiyon at lokalidad ang nagdeklara ng State of Calamity mula noong Oktubre 15.