Isabela: Progresibong lalawigan ng Norte

Nangungunang corn producer at ikalawang rice producer ng bansa, ang Isabela ay hindi kataka-takang matawag na “Queen Province of the North”.

Ang Isabela ay matatagpuan sa Luzon na bahagi ng Region 2 o Cagayan Valley. Ito ay ang ikalawa sa pinakamalaking lalawigan sa bansa dahil sa lawak ng lupain.

Ang lalawigang ito ay ang sentro ng Region II na binubuo ng pinagsama-samang lawak ng lupain na 10,665 kilometro kuwadrado. Sa laki ng Isabela, maipagsasama rito ang mga lalawigan ng Bulacan, Tarlac, Bataan at Cavite.

Noong Setyembre 27, 2018 nilagdaan ang isang batas, Republic Act 11080, o ang tinatawag na Muling Pag-aayos ng Lalawigan ng Isabela sa anim na Legislative District.

Ang Isabela ay kumakatawan sa halos 40 porsiyento ng rehiyonal na teritoryo. Ito ay binubuo ng 34 munisipalipad at tatlong lungsod kabilang ang Ilagan bilang kapital, at 1,055 na mga barangay.

Sa tala noong 2022, ang populasyon ng lalawigang ay 1,740,185 na may mga iba’t ibang diyalektong gaya ng Ilocano (o Iloko), Ibanag (Ybanag o Ibanak), Gaddang, Tagalog, Yogad, at Ingles.

Nakaaaliw ding pakinggan ang mga diyalekto ng Isabela. May nagturo sa amin na magkaiba ang salitang Tagalog, Ibanag, at Ilocano.

Ang isang halimbawa nito sa isang pangungusap na “You are beautiful” sa Ingles na kung isasalin sa Tagalog ito ay “Maganda ka”. Samantala sa Ibanag ito ay “Guapa ka” habang sa Iloko ito ay “Nagpintas ka”.

Ayon din sa mga taga Isabela, mas karaniwang diyalekto roon ay Ilokano. At kung ikukumpara rito ang Ibanag, mas mahirap daw matutunan ang huli.

Ang Isabela sa kasaysayan

Sa panahon na nasasakop pa ang Pilipinas ng España, dalawa lamang ang lalawigan sa Region II – ang Cagayan at Nueva Vizcaya.

Si Reina María Isabel Luisa de Borbón y Borbón o Reina Isabel II ng España. Sa kanya hinango ang pangalan ng lalawigan ng Isabela noong 1856. (wikimedia.org)

Upang mapadali ang mga trabaho ng mga Dominikanong misyonaryo sa ebanghelisasyon sa Cagayan Valley at batay sa rekomendasyon ng Gobernador-Heneral na si Antonio de Urbiz Y Eguia, isang royal decree ang inilabas ng pamahalang España noong Mayo 1, 1856. Ito ay sa pamamahala noon ni Gobernador-Heneral Manuel Crespo Y Cebrian. Ang kautusan ay upang mapagsama-sama ang mga bayang Cabagan, Tumauini, Ilagan, Gamu, Calanusian (ngayon ay Reina Mercedes), Cauayan, Angadanan, Camarag (ngayon ay Echague), Carig (ngayon ay Santiago City), Catalangan at Palanan para maging isang lalawigan. Ang lalawigang ito ay tinawag na Isabela de Luzon bilang pagkilala kay Reina María Isabel Luisa de Borbón y Borbón o Reina Isabel II ng España.

Naging Isabela de Luzon dahil noong araw ay may kapangalang Isabela sa ibang bahagi ng bansa.

Ang Queen Isabela Park na may monumento ni Reina María Isabel Luisa de Borbón y Borbón o Reina Isabel II ng España bilang pagkilala sa kanya ng Isabeleños. Sa kanya hango ang pangalan ng lalawigan. Ang Queen Isabela Park ay itinayo noon kasabay ng ika-158 taong pagkakatatag ng lalawigan. Ang liwasan ay isa sa pangunahing landmarks ng lalawigan. Ito ay hugis bilog na sumisimbolo sa walang patid na pagsulong ng kanilang lugar. (Kuha ng Bilibb)

Sa paglipas ng panahon, pinaiksi na lamang ang pangalan ng lalawigan bilang Isabela upang manatili pa rin ang pagkilala kay Reina Isabel II, ang nag-iisang reyna sa kasaysayan ng España.

Ang mga ikinabubuhay ng Isabeleños

Ang sentro ng ikinabubuhay ng mga taga Isabela ay ang agrikultura. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nananatiling pinakanamumukod-tanging lalawigan ito sa seguridad ng pagkain.

Lahat ng puwede nilang malikha mula sa pagsasaka, pangingisda at iba ay kanilang hahatakin para makabuo pa ng iba pang mga produkto. Gaya ng pagkakaroon nila ng mga kalabaw at baka ay nakakagawa sila ng gatas mula sa mga ito na puwedeng maging inumin, pastillas, at iba pa.

Ang mga cacao ng Isabela. (Kuha ng Bilibb)

Sa datos ng pamahalaang panlalawigan, ilan sa pangunahing agricultural crops nito ay kape, saging, manga, monggo, at tabako. May mga tanim din silang cacao, pinya, rambutan, at lansones, at iba pa. Ang livestock at poultry na mga industriya ay dairy processing, hog production, cattle breeding, at commercial poultry raising.

Samantala dahil dikit din sa karagatan ang Isabela, pangingisda rin ang ikinabubuhay nito. Partikular dito ang mga bayan tulad ng Maconacon, Divilacan, Palanan, at Dinapigue. Ang mga huli mula sa karagatan ay ginagawa ring daing, bagoong at marami pang iba.

Parte rin ng kanilang kabuhayan ang paglikha ng mga banga, at iba pang mga produktong nagpapakilala sa ekonomiya ng Isabela.

Ang pagluluto ng banga bilang hanapbuhay sa komunidad ng Ibanag sa Santa, Maria, Isabela. (Kuha ng Bilibb)

Turismo pundasyon ng ekonomiya ng Isabela

Sa laki ng Isabela, hindi puwedeng maliitin ang kanilang kahusayan maging sa turismo na nagpapasigla sa ekonomiya ng lalawigan.

Bago ang pandemya dala ng COVID-19, nasa tala ng Department of Tourism na ang Isabela ay isa sa mga pinakapuntahing lugar sa Region II. Noong 2019 pumalo sa 437,058 ang mga dumayo sa kanilang lugar.

Sa ulat pa, kahit na nagkaroon ng pandemya ay namantina pa rin ng lalawigan ang makahakot ng bisitang 279,291 noong 2020 at 226,686 noong 2021.

Ang paglahok ng San Agustin sa Bambanti Festival 2023 ng Isabela. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Isa pa sa humahalina sa mga dayuhan ay ang Bambanti Festival ng Isabela.

Ang Bambanti Festival ang pinakareyna ng mga kapistahan ng Isabela. Ito ay taunang idinaraos tuwing huling linggo ng Enero.

Ang mga bayang bumubuo sa lalawigan ng Isabela

Alicia
Angadanan
Aurora
Benito Soliven
Burgos
Cabagan
Cabatuan
Cauayan City
Cordon
Delfin Albano
Dinapigue
Divilacan
Echague
Gamu
Ilagan City
Jones
Luna
Maconacon
Mallig
Naguillan
Palanan
Quezon
Quirino
Ramon
Reina Mercedes
Roxas
San Agustin
San Guillermo
San Isidro
San Mariano
San Mateo
San Miguel (Callang)
San Pablo
Santiago City
Sta. Maria
Sto. Tomas
Tumauini