Isabela Museum and Library kayamanang nagpapatuloy

Ang Isabela Museum and Library mula sa dating kapitolyo ng lalawigan. (Kuha ng Bilibb)

Itinayo noong 1946, ang dating kapitolyo ng lalawigan ng Isabela ang kinikilala ngayong Isabela Museum and Library na tagapag-ingat ng mayaman nilang kaalaman, kultura at kasaysayan na nagpapatuloy.

Ito ang isa pa sa mga lugar kung saan kami ipinasyal ng mga kinatawan ng pamahalahaang Isabela.

Ang dating dalawang palapag na gusali na nasa disenyo ng arkitektong si Baltazar Gigatone ay nagsilbing kapitoyo ng Isabela mula 1946 hanggang 1991 na matatagpuan sa Barangay Osmeña sa lungsod ng Ilagan, kapital ng lalawigan. Samantala, inilipat ang bagong kapitolyo sa Barangay Alibagu sa nasabi ring lungsod.

Ang Isabela Museum and Library ay nagkaroon ng inagurasyon noong Mayo 11, 1999 sa ilalim ng pamumuno noon ni Gobernador Benjamin Dy, kasabay ng ika-143 pagkakatatag ng lalawigan.

Noong 2019, dumaan din sa rehabilitasyon ang naturang gusali sa pamumuno ni Gobernador Faustino Dy III.

Ang dating Isabela Provincial Capitol bago pa man ito maging Isabela Museum and Library. (IML)

Pampublikong Aklatan

Sa Archive Section ng Library ay matatagpuan ang mga napreserbang koleksyon tulad ng mga detalye o minuto ng pagpupulong sa Provincial Board at ang resolutions nito mula 1909 hanggang 1970.

Nasa 21,793 na libro ang matatagpuan dito maliban pa ang mga donasyon tulad ng halos 6,000 volumes ng mga libro mula sa International Children’s Books ng Amerika.

Ang mga mag-aaral na abala sa Reading Area ng Isabela Museum and Library. (Kuha ng Bilibb)

Programa rin ng kanilang administrasyon na magbigay sa mga munisipalidad o mga barangay na kailangan ng mga libro. Dinadaan din nila sa survey kung anong mga libro ang kailangan ng bawat lugar.

Sa pagbibigay kahalagan sa karunungan, sa bawat taon ay kaisa ang Isabela sa pagdiriwang ng Public Library Day tuwing Marso 9, alinsunod sa Proclamation No. 563, s. 1959.

Ang mga donasyong libro na magiging bahagi ng Children’s Library Section ng Isabela Museum and Library at maaari ring ibahagi sa ibang lugar sa lalawigan. (Kuha ng Bilibb)

Pampublikong Museo

Makakikita sa museo ng mga diorama ng mga kasaysayan ng bansa tulad ng pagdakip kay Heneral Emilio Aguinaldo sa Palanan, Isabela.

Naririto rin ang memorabilia ng dating senador na si Heherson Alvarez na ipinanganak sa Santiago sa nasabi ring lalawigan. Gayundin, may mga memorabilia ang mga naging gobernador dito.

Ang M1 Helmet na ginamit sa bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (Kuha ng Bilibb)

Sa museo ay may galleries na kinabibilangan ng mga sumusunod:

Cultural Heritage / Antique Gallery, Selyo Gallery, Senator Heherson Alvarez Gallery, Bambanti Awards Gallery, Contemporary Arts Gallery, Tilamsik ng Liwanag Gallery at Revolving Exhibit Gallery.

Sa mga ito rin makikita ang ang iba’t ibang tradisyunal na kagamitan ng mga magsasaka noon ng Isabela na bumuhay at nagpaangat sa kanilang ekonomiya dahil sa kanilang kasipagan.

Ang mga koleksyon ng mga selyo at kasaysayan ng koreo. (Kuha ng Bilibb)

Naririto rin ang mga koleksyon ng mga selyo at kasaysayan ng koreo kabilang pa ang mga sinaunang perang barya at papel ng ibang mga bansa.

Dito rin matutuklasan ang mga sinaunang muebles, mga kasangkapang pambahay at pang-opisina, maging ang kagamitan noong digmaan.

Ang lumang black and white TV Cabinet. (Kuha ng Bilibb)

Nasaloob din ng gusali ang iba’t ibang parangal na may kinalaman sa Bambanti Festival, mga likhang guhit pang sining ng mga kabataan ng Isabela, at marami pang iba.

Ang phonograph na isa sa mga antigong kagamitang makikita sa Isabela Museum and Library. (Kuha ng Bilibb)

Isabela Museum and Library

Arranz St., Brgy. Osmena, City of Ilagan, Isabela

Tel: (078) 307-3004 or (078) 323-3146

Email: isabelamuseumandlibrary@gmail.com or isabelatourismoffice@gmail.com

Open Mondays to Fridays, 8 AM to 5PM