Inflation rate napipigilan, ‘shrinkflation’ nararanasan – Cua

Ipinahayag ng pangulo ng isang retail group na habang bumababa ang inflation rate ng bansa, dumaranas pa rin ng “shrinkflation” ang mga Pilipino, at dapat paunlarin ng gobyerno ang mga lokal na industriya kung nais ng bansa na “magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan” sa susunod na 20 taon.

Ito ang binigyang-diin sa isinagawang media forum na inorganisa ng Capstone-Intel Corporation nang ilabas nito ang pinakahuling survey ukol sa seguridad sa pagkain kung saan sinabing humigit-kumulang na anim sa bawat 10 Pilipino ang magiging food secured sa susunod na anim na buwan.

Ayon kay Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA), bagaman napigilan ang pagtaas ng rate ng inflation, ang bansa ay kasalukuyang nakararanas ng “shrinkflation” upang maabot ng mga tindahan ang budget ng mga mamimili.

“Shrinkflation, pinag-uusapan natin, nagtataas ang presyo, lumiliit ang laman. Sobrang liit na eh [halos] wala nang laman. Sobrang liit na, eh. For example ‘yung sardinas, 155 (grams) is the regular size [of sardines] naging 140 (grams) para mag-shoot sa budget ng mamimili,” ani Cua.

Sa naging resulta ng survey, ayon sa karamihang sambahayan (46%) gumagastos ang mga ito ng mula P1,001 – P2,500 sa pagbili ng mga pagkain kada lingo, dagdag pa rito ang pare-parehong pagtaas ng mga gastos sa pagkain ay maaaring makasira sa pananalapi sa mga sambahayang Pilipino.

“Stability in food costs is critical for family budgeting nationwide. Persistently elevated food inflation could rapidly push more households into financial distress without mechanisms to offset price pressures on key dietary necessities,” ani Capstone-Intel Research and Publications Director Ella Kristina Domingo-Coronel, na tinutukoy ang mga resulta ng survey.

Sinabi ni Cua na upang matugunan ang kagyat na isyu ng food insecurity sa bansa, dapat tumulong ang pambansang pamahalaan sa pagpapaunlad ng mga lokal na industriya dahil sa tumataas na halaga ng pagkain. Nabanggit din niya na kung babalewalain ang isyu, mas maraming Pilipino ang mawawalan ng trabaho sa mga darating na taon.

“Either we have to come up with new brands or a lot of foreigners are coming in with their brands. That’s another surge of [unemployment]. Mawawalan ng trabaho ang mga Pinoy, tapos imported na lang para mas mura and heyday for smugglers,” pahayag ni Cua.

“You have to think of our own. We have to develop our industries if 20 years from now we want to see a brighter future,” dagdag pa niya.

Idinagdag ng PAGASA na bagaman “nag-slow down” na ang presyo ng pagkain, umaasa pa rin siya na ganoon din ang takbo ng inflation. Idinagdag ni Cua na upang maayos na maunawaan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mga tao, kailangan ang market research para sa pagpapaunlad ng mga lokal na industriya.

Sinabi ni Dr. Guido David, Chief Data Scientist sa Capstone-Intel, na bagaman ang kawalan ng seguridad sa pagkain ay isang problema na kailangang tugunan, ang bansa ay hindi haharap sa kawalan ng pagkain sa loob ng susunod na anim na buwan.

“My impression is, we personally feel the security for food but we are also aware that we have to sort out issues regarding food security. Food security is an issue but not an issue for the next six months. So, ‘yun ‘yung impression ko,” aniya.

Sa isinagawang forum, inihayag ng survey ng Capstone-Intel na habang ang karamihan sa mga respondente, o 59 porsyento ang nagsabing “very secured” o “secured” sila pagdating sa food security sa susunod na anim na buwan, 42 porsento ang may ilang pag-aalala na may 34 porsyento ang nagsabing sila ay “neither secured or not secured” at 8 porsyento ang alima’y “insecure” o “very insecure.”