Ilocos Norte tumanggap ng P1-M donasyon mula sa Anvil Business Club

Ang facsimile check na iginawad ng Anvil Business Club sa provincial government ng Ilocos Norte bilang tulong sa mga bumubuo ng Micro, Small and Medium Enterprises community. (Kuha ni George Buid)

Malaking pasasalamat ang ibinalik ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte sa donasyon ng Anvil Business Club na nagkakahalagang P1 milyon bilang suporta sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSME) community.

Ang MSME community ng lalawigan ay binubuo ng 95 porsyento ng business firms at makatutulong ang pinansyal na suporta upang pasimulan, pamahalaan, at palaguin ng mga negosyante ang kanilang mga negosyo na magpapaunlad din ng ekonomiya.

Ang pagtanggap ng donasyon ay pinangunahan ng gobernador ng lalawigan na si Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc noong Pebrero 8 sa isinagawang Pandesal Forum sa lungsod ng Quezon City.

Personal na pinasalamatan ni Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc ang Anvil Business Club sa donasyon nitong P1 milyon para tulungan ang Micro, Small and Medium Enterprises community sa lalawigan. Isinagawa ang pag-abot ng donasyon noong Pebrero 8 sa Kamuning Bakery sa Quezon City. (Kuha ni George Buid)

“We assure you that the amount would truly serve the people of Ilocos Norte through great economic activities and progress in our beloved province,” said Manotoc.

Sa paggawad ng pinansyal na tulong, dumalo rito sina Elena Gabriel, Head ng PCIN MSME Office; Rona Leigh “Soya” Bueno, Head ng PCIN Investment Office; Anvil Business Club officers na sina Christopher Yae, 2024 President; George Siy, Chairman Emeritus; at Jayson Sze, 2023 President.

Ang Anvil Business Club, na dating kilala bilang Association of Young Filipino-Chinese Entrepreneurs, ay isang prestihiyosong organisasyon na binubuo ng mga aktibong negosyante at mga propesyonal na nakatuon sa pagpapaunlad ng mga positibong halaga at pamamahala ng kahusayan sa kani-kanilang mga industriya. Ang kolektibong misyon nito ay mag-ambag sa pagsulong ng ekonomiya at panlipunan ng bansa.