Ika-40 taon ng National Children’s Book Day ipinagdiriwang ng CCP

Ipinagkakapuring ihandog ang pagdiriwang ng National Children’s Book Day (NCBD) sa mga serye ng mga aktibidad na may kinalaman sa aklat na gaganapin sa darating na Hulyo 18 sa ganap na ika-9:00 ng umaga hanggang ika-3:00 ng hapon sa Tanghalang Ignacio Gimenez (CCP Black Box Theater). Ito ay proyekto ng pagtutulungan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at Philippine Board on Books for Young People (PBBY).

Sa ika-40 taon, ang okasyon ay ginaganap tuwing ikatlong Martes ng Hulyo upang ipagdiwang ang anibersaryo ng paglalathala ng rendisyon ng istorya ni Gat Jose Rizal na “Ang Unggoy at ang Pagong” bilang isyu noong Hulyo 1889 ng Trubner’s Oriental Record, isang limbagan sa London.

“Basa. Bayan. Bukas.” ang tema sa taong ito para sa okasyon. Ang programa ay may presentasyon ng New Children’s Books, Keynote speech ni Mighty Magulang/Mona Veluz, musical performance ng Kabataang Gitarista, pagpaparangal sa 2023 PBBY-Salanga at PBBY-Alcala Prizes, storytelling ng winning piece, pagbubukas ng isang art exhibit, pagpapanood ng Himig Himbing videos mula sa CCP Arts Education Department, talakayan, art exhibit tour kasama si Jomar Galutera, at storytelling na may mga laro, at iba pa.

Sinusuportahan ng CCP at PBBY ang halaga ng paghikayat sa pag-uusisa at imahinasyon ng mga batang mambabasa habang binibigyang-diin din ang pinakamahusay na mga may-akda, ilustrador, at tagapaglathala ng mga aklat na pambata.

Nalikha ang okasyon sa pamamagitan ng misyon ng CCP na maging nangungunang institusyon para sa sining at kultura sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng pinakamalawak na partisipasyon ng publiko sa paggawa at kasiyahan sa sining at ang pananaw nito na “Mahalaga ang sining sa buhay ng bawat Pilipino.”

Ang mga interesado ay maaaring magdala ng anomang librong pambata bilang donasyon. Ito ay magsisilbing pass para makapasok ang isang tao sa lugar. Ibabahagi ang mga nakolektang libro sa Girl Scouts of the Philippines.

Para sa detalye hinggil sa NCBD, bisitahin ang Facebook pages ng CCP, CCP Intertextual, at PBBY. Sundan ang CCP official accounts sa Twitter @The CCPofficial at Instagram @culturalcenterph o magpadala sa email ng CCP (ccpintertextualdivision@gmail.com) para sa mga katanungan.