Nakaresetang mga gamot, matatapang?

Bakit may mga gamot na nakareseta habang may mga gamot na nabibili over-the-counter o OTC na makukuha nang halos walang tanong-tanong mula sa pharmacists?

Mayroong tinatawag na prescription drugs o mga gamot na nireseta ng doktor dahil ito ang mga uri ng gamot na matatapang o malalakas at nangangailangan ng pag-iingat mula sa pagbili at pag-inom ng mga ito.

Upang maunawaan, may tatlong klase ng prescription drugs

  1. Depressants – ito ay iniinom para mawala ang anxiety o pagkabalisa at tulong din ito bilang pampatulog.

Gamot din ito para sa panic attacks, seizures, depression, general anesthesia/sedation (prior sa surgery o operasyon), muscle relaxation, pagsusuka o pagduduwal, at madalas sa insomnia. Ginagamit din ito para sa pagmamantina ng sintomas ng alcohol o drug withdrawal.

  1. Opioids at Morphine Derivatives – ginagamit kontra pananakit. Identified din ang uri nito bilang narcotics.

Ang opioids ay ginagamit upang harangin ang pain signals sa pagitan ng utak at katawan. Kadalasang inirereseta ito ng doktor bilang treatment sa severe levels ng pananakit – ang pananakit na ito ay kadalasang may kinalaman sa mga taong may cancer, matapos ang pagkakaroon ng serious injury, post-surgery, at iba pang chronic pain conditions.

  1. Stimulants – maraming klase ng prescription stimulants. Ito ay gamot para sa uri ng kondisyon tulad ng attention deficit disorder (ADHD), narcolepsy (malalang sleep disorder), binge eating disorder, at minsan ay para rin sa depression kapag ang kondisyon ay unresponsive sa ibang courses ng prescription medication.

Dahil sa malalakas ang uri ng mga gamot ay tama lamang na magkaroon ito ng reseta mula sa doktor dahil kadalasang ang mga gamot na ito ay nakaaadik o nagiging dahilan ng kamatayan ng isang pasyente dahil sa overdose.

Tandaan natin na walang gamot na 100% safe at lahat ng gamot ay mayroong kaunting epektong nakasasama at minsan naman ay seryoso ang epekto nito.

Mahigpit na ipinapaalala ng mga doktor na huwag tayong mag-self medicate at sundin ang kanilang nireseta na akma sa inyong kondisyon o nararamdaman.

Ang mga uri ng gamot na bukod sa nakareseta ay maaaring dumaan pa sa mga tanong ng pharmacists bago ito ibigay sa bibili o pasyente. Samantala, may ibang gamot din na nakareseta na hindi gaanong malakas kumpara sa tatlong nabanggit ngunit nangangailangan pa rin ng gabay ng eksperto tulad ng mga doktor at pharmacist.