Hulyo 24: Suspendidong klase, trabaho sa NCR dahil sa bagyo, transport strike

Kaugnay ng masamang panahon dala ng bagyong “Egay” at nakatakdang transport strike sa Hulyo 24, Lunes, iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas ng pampublikong paaralan sa National Capital Region. Kabilang din dito ang suspensyon ng pasok sa mga tanggapan sa gobyerno.

Ang Tropical Depression na “Egay” ay naiulat noong Sabado ng umaga lumakas pa at naging isang ganap na tropical storm, ayon Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

Samantala, ang nakatakdang tatlong-araw na transport strike ng grupong Manibela ay kaugnay ng kanilang pagtutol sa public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.

Gayunman, sa suspensyon ng pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan, nilinaw na hindi kabilang ang mga ahensyang nasa linya ng paghahatid ng basic at health services, paghahanda o pagtugon sa mga sakuna at kalamidad, at ng iba pang mahahalagang serbisyo.

Gayundin, ang suspensyon ng klase sa mga pribadong paaralan at tanggapan ay nasa pagpapasya ng kanilang mga pinuno.