Holiday prep list: Simple ideas para maging stress-free

Malapit na ang holiday season at ito ang pinakaaabangan panahon ng lahat. Handa ka na bang salubungin ito? Kung hindi pa, maaaring makatulong ang ilang tips na ito:

  • May kaunting panahon pa para mag-ipon kung nagbabalak kang regaluhan ang mga taong malapit sa iyo – inaanak, kaibigan, partner, pamilya o kahit ang sarili mo. Ang kaunting maiipon ay makatutulong na para pandadag sa gastusing panregalo sa darating na holiday season.

Panahon din ito para mag-ipon pandagdag gastos kung nagbabalak na magbakasyon. Tipid-tipid na muna sa pagbili ng mga bagay na regular sa inyo pero makaka-survive naman kahit wala ito.

  • Mainam din na mag-ipon na ng mga ipanghahanda sa darating na okasyon. Pumili lamang ng mga putaheng sakto lamang sa budget at hindi mo kailangang mangutang para rito. Siguraduhin lamang na ang pag-iipon ay hindi mauuwi sa wala. Kailangang maging mahalaga at memorable ito sa iyo.
  • Habang maaga pa ay maaari nang pag-isipan din ang mga gamit na gagamitin sa handaan – mga plato, kubyertos, at iba pa alam din naman nating matakaw din sa oras kung ora-oradang ilalabas sa mga taguan. Kapag may kaunting time ay maglaan na ng oras kahit paisa-isang ilabas ang mga gamit at kapag isa o dalawang linggo na lamang bago ang araw mismo ng Pasko o Bagong taon ay hugasan na ito at itabi sa hindi mababasag at madaling makuha.
  • Kung nagbabalak magbakasyon ay maghanap na ng lokasyon o tutuluyang lugar – mapa-hotel man ito o transient house. Mainam nang makapag-book habang may panahon pa. Doon ka lamang sa murang hotel – sa lugar na puwede kang makatulog nang maayos. Hindi kailangang magandang-maganda ang tutuluyan lalo na kung ang plano mo naman talaga ay magpagala-gala sa lugar at hindi ubusin ang oras sa pag-stay sa loob ng hotel nang mahabang oras.
  • Isama rin sa paghahanda ang magpareserba ng ticket sa eroplano, bus, o barko. Humanap ka rin ng promo rates o kung saan ka mas makamumura.