Hirap at masakit umihi? Baka UTI iyan

Maaaring masamang senyales ang hindi pag-ihi. Ibang kaso rin kung nakaiihi naman pero masakit, mahirap dahil sa nararanasang hapdi.

Kung nakararanas ng hapdi sa tuwing umiihi, maaaring senyales ito na mayroon kayong UTI. Ano ito?

Ang UTI o urinary tract infection ay isang pangkaraniwang impeksyon na nagaganap sa urinary system: kidneys (bato), ureters (yuriter), bladder (pantog) at urethra (yuritra o daluyan ng ihi palabas ng katawan) at ang impeksyon ay kadalasang nagsisimula sa balat o sa rectum. Pangkaraniwan at espesipikong nakikita ang impeksyon sa lower urinary tract – bladder at urethra.

Karaniwang nangyayari ang sakit na ito kapag ang bacteria ay pumasok na sa urinary tract sa pamamagitan ng urethra at nagsisimula nang dumami sa pantog. Ang function ng urinary system ay upang maiiwas tayo sa bacteria ngunit minsan ang system na ito ay pumapalya.

Kumpara sa mga lalaki, mga babae ang mas karaniwang tinatamaan ng UTI dahil ang kanilang urethra ay mas maiksi at mas malapit sa rectum. Ang impeksyon na nasa bladder ay masakit at nakaiirita. Delikado ito kung ang impeksyon ay umabot na sa kidney.

Sa urinary system natin, karaniwang tinatamaan ng UTI o urinary tract infection ang mga babae kumpara sa mga lalaki. Ito ay dahil ang urethra ng mga babae ay mas maiksi at mas malapit sa rectum. Ginagawa nitong mas madali para sa bacteria na makapasok sa pantog. Ang impeksyon na nasa bladder ay masakit at nakaiirita. Delikado ito kung ang impeksyon ay umabot na sa kidney

Hindi lahat ng may UTI ay nakararanas ng pananakit o pagkahapdi sa tuwing iihi. Hindi lahat ay nagpapakita ng sintomas para sa ganitong kondisyon. Sa ganitong lagay din ay maiging magpakonsulta na agad sa doktor bago pa lumala ang kalagayan.

Senyales ng UTI:

– Pakiramdam na ihing-ihi

– Mahapdi sa tuwing umiihi

– Kaunting ihi na parang may balisawsaw

– Pananakit ng puson

– Matapang na kulay ng ihi: mapula, sobrang dilaw na malabo, o kulay cola

– Mapanghing ihi

– Masakit na balakang (para sa mga babae) sa sentro nito o sa pubic bone

– Kapag matanda ang tinamaan ng UTI sila ay nahihilo, at seryosong senyales ito na ang impeksyon ay kumalat na sa buong katawan.

Sa espesipikong UTI, ito ang mga sintomas na nararamdaman:

– Bladder infection (cystitis) – pelvic pressure; mapanghing amoy ng ihi, masakit na pag-ihi, dugo sa ihi

– Uretha (urethritis) – hapdi sa pag-ihi, may discharge o paglabas ng fluid mula sa ari (kadalasang may amoy o kulay)

– Kidney (acute pyelonephritis) – pananakit ng ibabang bahagi ng likod o sa may balakang; lagnat; pangangatog o giniginaw; pagkahilo; pagsusuka o pagduduwal

Bakit pabalik-balik ang UTI?

– Hindi naging sapat o tama ang gamutan para rito

– Mga babaeng aktibo sa pakikipagtalik, kaya mahalagang maging malinis sa katawan: Maghugas nang regular matapos ang pakikipagtalik

– Mga nakasonda o catheter

– Kahinaan ng resistensya lalo na sa may diabetes, HIV o human immunodeficiency virus, o cancer

– Pagkakaroon ng abnormal na daluyan ng ihi lalo na kung inborn ito

– Pagkakaroon ng bato sa bato (kidney stones)

– Paglaki ng prostate partikular sa mga kalalakihang may edad 60 dahil sa paglaki ng prostate ang daluyan ng ihi ay nababarahan

Ano pa ang totoo tungkol sa UTI?

  • Bagaman ang UTI ay hindi naipapasa o kumakalat mula sa isang tao patungo sa isa pang tao tulad ng STD (Sexually transmitted diseases), ang pakikipag-sex ay maaaring humantong sa UTI o maging daan para lumala ang UTI. Ang UTI ay sanhi kapag ang iyong urinary tract ay nahawahan ng sarili mong bacteria.
  • Bagaman pangkaraniwan ang UTI sa mga aktibo sa pakikipagniig, ang sakit din na ito ay maaaring makuha kahit hindi kayo nakikipagtalik.
  • May mga birth control na maaaring makaapekto sa propensidad sa pagkakaroon ng UTI ng mga babae. Ang diaphragm halimbawa ay maaaring dagdag panganib para sa UTI dahil ang pagpoposisyon ng mga produkto sa loob ng maselang parte ng babae ay naglalagay ng presyon sa urethra.
  • Ang sakit na ito ay prone sa mga buntis. Hindi sa lahat, pero mas mataas na posibilidad para sa mga UTI dahil ang kanilang hormonal changes ay nagiging sanhi ng pag-relax ng kalamnan ng pantog, na nakakaantala sa pag-ihi. Dahil sila ay buntis, bumababa ang abilidad ng kanilang katawan na labanan ang impeksyon in general.
  • Kapag nagpipigil kayo ng ihi ninyo sa mahabang oras ay nagiging daan sa pagkakaroon ng UTI.
  • Kung hindi sapat ang iniinom ninyong tubig. Tubig pa rin ang kailangan – hindi kung ano pa mang inumin.
  • Kapag sobra kayo sa asukal o matatamis, tataas ang blood sugar ninyo. Tandaan na hindi lahat ng sugar ay created equal. Pinipigilan ng asukal ang inyong immune system, na ginagawang mas mahirap labanan ang mga impeksyon sa katawan. Magiging sanhi ito para mag-malfunction ang inyong kidneys para maproseso ang asukal at maging ihi. Ang asukal na ito ay maaaring gawing pagkain ng bacteria para dumami sa daanan ng ihi.

Paano makaiiwas sa UTI?

– Kumain nang maayos at piliin ang masusustansyang pagkain

– Magkaroon ng proper hygiene

– Regular na maghugas ng pribadong bahagi ng katawan matapos ang pagtatalik upang maiwasan agad ang impeksyon. Sa mga babae ang paghugas ay mula puwerta papunta sa likod

– Uminom nang regular at tamang dami ng tubig

– Sa mga babae, piliin ang underwear na yari sa cotton

– Gumamit lamang ng panty liner o feminine pad na hindi matapang sa kemikal ang pagkakayari

Karagdagang kaalaman hinggil sa UTI

Iba pang dapat malaman sa UTI

– Ang UTI ay isa lamang sa mga impeksyon na karaniwan sa mga babae. Tinatayang 40% ng kababaihan ay makararanas nito sa kanilang buhay at isa sa bawat postmenopausal ay dumanas ng UTI sa huling taon.

– Ang mga lalaki ay nagkakaroon din ng UTI ngunit mas tinatamaan nito ang mga babae dahil ang uretha ng babae ay mas maiksi kumpara sa lalaki, kaya ang bacteria ay mas madaling maka-travel sa bladder (pantog).

– Kapag ang lalaki ay nagkaroon ng UTI, mas masakit ito kumpara sa babae dahil sa mahaba ang kanilang ari o ang dinadaanan ng ihi.

– Hindi lahat ng UTI ay nangangailangan ng antibiotics. Posible para sa ilang mga tao na magkaroon ng bacteria sa pantog nang hindi nagpapakita ng anumang mga sintomas. Ang tawag dito ay asymptomatic bacteriuria. Karaniwang hindi kinakailangan ang paggamot dahil ang bacteria ay hindi gumagawa ng mga problema. Kapag may mga mikrobyo sa ihi at ang pasyente ay nagpapakita ng hindi komportable o masakit na mga sintomas, ang mga antibiotic ay inireseta upang gamutin ang mga impeksyon sa ihi.

May researchers na nagsasabing ang paggamit ng panty liners at feminine pads ay maaaring maging daan sa pagkakaroon ng UTI sa pamamagitan ng intestinal microbes. Ang pads na ito ay maaaring makapagsalin ng mircrobes sa vaginal walls.

Kapag nakaranas ng anumang senyales ay agad na magtungo sa doktor para sa tamang gamutan. Ang doktor ay magrereseta kung anong antibiotics ang nararapat sa iyo