Hinulugang Taktak: Munting kagubatan sa lungsod

Tara na! Libre lahat dito!

Ang waterfall ng Hinulugang Taktak na matatagpuan sa Antipolo City. (Kuha ng Bilibb)

Ang Hinulugang Taktak ay kilalang munting kagubatan na may talon o waterfall na matatagpuan sa Antipolo City sa lalawigan ng Rizal.

Ang lugar na ito ay may lawak na 3.58 na ektarya habang ang waterfall nito ay may habang 21.5 metro mula sa water surface nito at ang lapad ay 25.8 metro.

Mula sa entrada, ito ang pababa ng Hinulugang Taktak papunta sa waterfall ng nasabing national park. (Kuha ng Bilibb)

Ang mga lokasyong nakasasakop sa Hinulugang Taktak ay Daang Bakal Road, Sitio Taktak, Barangay Dela Paz, Antipolo City, Rizal at ang isa pa ay ang Taktak Road, Sitio Sampaguita, Barangay Sta. Cruz.

Bibilib rin kayo sa mga puno’t halamang kinakanlong ng Hinulugang Taktak. Pangkaraniwan makikita sa parke ay ang ashoka, talisay, narra, anahaw, is-is, bangkal, balete, at iba pa. Siyempre nariyan ang Antipolo.

Ang Antipolo o Tipolo na uri ng puno na matatagpuan sa Hinulugang Taktak. Sa punong ito hango ang pangalan ng lungsod kung saan matatagpuan ang nasabing parke. (Kuha ng Bilibb)

Ang Antipolo ay hango sa pangalan ng isang uri ng puno – ang Tipolo o Antipolo na Pakak din kung tawagin. Ito ay mas matatagpuan sa lugar pero makikita rin sa ibang lugar sa bansa.

Ang antipolo ay ginagamit bilang fiber plant sa paglikha ng pulp at papel. Ang punong ito na nanganganib nang maubos ay kawangis ng puno ng langka, rimas at kalamansi. Ito ay namumunga at ang bunga nito ay niluluto at kinakain.

Hinulugang Taktak: Ang pangalang hango sa kuwento

Sa mga kuwento ng mga nauna sa atin partikular ang mga Antipoleño, hango ang pangalan ng Hinulugang Taktak sa isang pangyayari sa lugar na ito noong 15th o 16th century.

Sa pagkairita noon ng taumbayan sa lugar dahil sa matinding ingay na nililikha ng isang malaking kampana o taktak tuwing may orasyon o pagdarasal ay hiniling nila sa lokal na pari na tanggalin na lamang ito. Bilang pagpayag ay ipinahulog ng pari ang taktak malapit sa ilog. Dito na nagsimula ang pamosong “Hinulugang Taktak”.

Ang Hinulugang Taktak ayon sa batas

– Ang Hinulugang Taktak na tinatawag ding Hinulugang Taktak Nature and Adventure Park ay idineklarang national park sa bisa ng Presidential Proclamation No. 330 noong Hulyo 18, 1952. Ito ay nasa panahon noon ni dating Pangulong Elpidio Quirino.

– Idineklarang national shrine sa pamamagitan ng Republic Act 6964 noong Setyembre 18, 1990 sa panahon ni dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino. Ito ay inisponsoran ng noo’y Congressman Francisco “Komong” Sumulong Sr. na anak ng dating senador na si Don Juan Marquez Sumulong.

– Sa bisa ng Proclamation 412 ang parkeng ito ay idineklarang isang Protected Area alinsunod sa Republic Act 7586 (NIPAS o National Integrated Protected Areas System Act of 1992) at makilala bilang protektadong tanawin sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.

– Sa ilalim ng RA 11038 ENIPAS o Expanded National Integrated Protected Areas System ng 2018, ang protektadong mga lugar kabilang ang talon ng Hinulugang Taktak ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pamamagitan ng kanilang Biodiversity Management Bureau.

Ang swimming pool na nasa loob ng Hinulugang Taktak. (Kuha ng Bilibb)

Pagsisikap pa sa ikagaganda ng Hinulugang Taktak

Sa mga nakaabot pa ng hitsura ng talon ng Hinulugang Taktak noong araw, iba na anila ang narating nito. Hindi na ito kasing sigla, sariwa, mahalinang parke kung ihahambing noon.

Kung dadayuhin ito ngayon ay masasabi rin namang malinis ang lugar at sadyang may makikitang mga naglilinis dito. Pero tulad ng sabi ng marami, mas may igaganda pa ito, kaunting sikap pa.

Sa aming pagsadya sa lugar, may nakita kaming mangilang-ilang basura na sa tingin namin ay galing sa taas ng talon na tinangay na lamang ng agos nito sa paanan at paligid. Puwedeng sabihing ang mga basura ay galing sa mga bahay na nasa taas na bahagi ng talon.

Maaaring bigyan pa ng panahon ang lokal na pamahalaan na mas maibalik ang dating sigla ng kanilang ipinagmamalaking talon.

Sa kanila ring pagsisikap na maging maayos ito, mabigat  ang parusa sa mga bisitang mag-iiwan ng anumang basura sa loob at labas ng lugar. Ang multa ay P1,200 at ito ay nasa bisa ng City Ordinance No. 2008-287. Ipinagbabawal din ang paninigarilyo na may halagang P5,000 multa sa lalabag.

Ang exciting attractions/activities ng Hinulugang Taktak 

Ang parke ay sumailalim sa two-level sport climbing certification course para masiguro ang kaligtasan ng publikong gagamit ng mga atraksyon dito na patok sa adrenaline junkies.

Walang bayad ang pagpasok, libre rin ang lahat ng amenities. First come, first served ang sistema rito kaya hindi kailangang magpa-book o magpa-reserve.

Ang Spider Webb na isa sa mga atraksyon sa Hinulugang Taktak. (Kuha ng Bilibb)

Bukas ito mula Martes hanggang Linggo, mula ika-7 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon.

Ang mga atraksyon dito ay ang mga sumusunod:

  • Wall climbing
  • Spider web
  • Canopy walk/Hanging Bridge
  • Rappelling
  • Swimming pool
Ang Canopy Walk na hindi dapat palampasin sa isa sa mga atraksyon ng Hinulugang Taktak. (Kuha ng Bilibb)

Ano pang mayroon sa Hinulugang Taktak?

– Grotto ng Birheng Maria

– Mayroon ding service elevator dito para sa mga senior at person with disabilities, buntis o mga bata para sa hindi makagamit ng hagdan.

Ang Hinulugang Taktak noong araw

Noong araw, popular na popular ang Hinulugang Taktak sa publiko dahil sa hindi matatawarang ganda at mahalinang hitsura nito.

Sa kuwento sa pagitan ng dekada 50 at 70 ang lugar na ito ay sadyang mas mapuno. Luntian na luntian ang mga halaman at puno rito at ang tubig ay napakalinis at malinaw. Maliban sa buhay na buhay na ingay na dulot ng pagbagsak ng tubig ng talon ay buhay na buhay din ang mga huni ng mga ibong nagliliparan.

Sa pagiging popular ng Hinulugang Taktak ay nagkaroon pa ng paglikha ng kanta tungkol dito.

Ang kantang Tayo na sa Antipolo ay nilikha ng Filipino at prewar musical artist at actor na si German San Jose (Jerry Brandy) noong 1929 at kalaunan ay kinanta rin ng Mabuhay Singers. Ang kanta ring ito ay naging parte pa ng pelikulang Himala ng Birhen noong 1947.

Tayo na sa Antipolo

Magbihis na kayo ng damit na maganda

At kayong lahat ay sa amin sumama

Oo saan ba tayo ay pupunta

Doon sa Antipolo na laging masaya

Magbihis na kayo ng damit na maganda

At kayong lahat ay sa amin sumama

Oo saan ba tayo ay pupunta

Doon sa Antipolo na laging masaya

Tayo na sa Antipolo

At doo’y maligo tayo

Sa batis na kung tawagin

Ay hi-hi-hinulugang taktak at doon

Tayo’y kumain

Ng mangga suman kasoy at balimbing

Kaya’t magmadali ka

At tayo’y tutuloy na sa Antipolo

Magbihis na kayo ng damit na maganda

At kayong lahat ay sa amin sumama

Oo saan ba tayo ay pupunta

Doon sa Antipolo na laging masaya

Tayo na sa Antipolo

At doo’y maligo tayo

Sa batis na kung tawagin

Ay hi-hi-hinulugang taktak at doon

Tayo’y kumain

Ng mangga suman kasoy at balimbing

Kaya’t magmadali ka

At tayo’y tutuloy na sa Antipolo

Ang isang tanawing makikita mula sa itaas na bahagi ng Hinulugang Taktak na matatagpuan sa Antipolo City. (Kuha ng Bilibb)

Maaaring malaman ang iba pang impormasyon tungkol sa Hinulugang Taktak sa kanilang official Facebook page: facebook.com/HTNatureAdventurePark