Hilaw, hiwang sibuyas sa refrigerator lason ba?

Pagdating sa loob ng bahay, tayong mga Pilipino ay maraming pinaniniwalaan.

Sa kusina, kapag mabango raw ang naggigisa ng bawang, sibuyas o kamatis ay iyan daw ang taong sinungaling. Sino naman ang nagsabi niyan?

Mabalik tayo sa sibuyas…

Sinasabing kapag ang hilaw at hiwa o natirang sibuyas ay inilagay sa loob ng refrigerator ay nagiging lason dahil nag-iimbita ito ng bacteria. Ang paniniwala o sabi-sabing ito ay walang katotohanan.

Ang totoo, ang katas ng sibuyas ay antimicrobial na ang ibig sabihin ay panlaban sa bacteria. Base ito sa pahayag ng Center for Food Safety sa University of Georgia sa Amerika. Ibig ding sabihin nito ay puwedeng ilagay ito sa refrigerator. Mas mainam kung ito ay nakalagay sa container na may takip bago ilagay sa refrigerator na puwedeng magtagal ng isang linggo. Maaari ring gamitan ito ng plastic wrap bago itago. Sa paraan kasi na ito ay hindi agad matutuyuan ng katas ang sibuyas dahil walang hanging nakapapasok kaya mas matagal ang silbi.

Ano pa ang mayroon sa sibuyas?

Mababa ang pH (acidic nature) ng sibuyas at mababa rin ito sa protein content, ibig sabihin ay hindi ito ideal na breeding ground para sa germs, viruses at pathogens (infectious agent).

Siguro mas tamang paniwalaan sa ngayon na dahil sa mahal ang sibuyas ay dapat itong tipirin. Kapag sa tingin ninyo ay tama na ang lasang naiambag nito sa inyong lutuin ay itabi na ang ibang sobrang nahiwang sibuyas.

Mahalaga ring isipin na kailangang malinis ang inyong refrigerator at alam kung ano ang tamang paglalagay dito ng mga pagkain.

Basahin pa ang iba pang health benefits ng sibuyas sa atin.