Higit 2K dancers humataw sa Mammangi Festival Street Dance, Showdown

Ang matingkad na kasuotan ng Poblacion 2 kasabay ng pag-indak bilang kalahok sa pangunahing atraksyon ng Mammangi Festival 2024. (Kuha ng Isabela PIO)

Sa magagandang mais na produksyon ng City of Ilagan, kinilala ito bilang Corn Capital of the Philippines, dahilan para magkaroon sila ng Mammangi Festival.

Ang taunang okasyon ay base sa General Ordinance No. 33 na inilabas noong 2011 na magkaroon ng Mammangi Festival bilang opisyal na pagdiriwang tuwing Mayo. Ito ay pangunahing alay sa mga manggi, salitang Ibanag para sa mga magsasaka ng mais. Alay din ito sa kanilang patron na si San Fernando.

Ang paghataw sa sayaw ng Poblacion 2 sa pangunahing atraksyon ng Mammangi Festival 2024. (Kuha ni George Buid)

Sa taong ito, ang kapistahan ay nasa temang “Liveable City Of Ilagan 2030: Isinasapuso Ng Bawat Ilagueño”

Muling kinumpleto ng saya ang isinagawang Mammangi Street Dance and Showdown Competition na sinaksihan ng tinatayang 15,000 katao sa City of Ilagan Sports Complex noong Mayo 9.

Ang sayaw ng Northeastern 1 sa pangunahing atraksyon ng Mammangi Festival 2024. (Kuha ni Ann Esternon)

Kumpleto rin ang mga opisyal ng City of Ilagan sa pangunguna ni City of Ilagan Mayor Josemarie Diaz.

Nakatutuwa ring pagmasdan ang 91 barangay flags na ipinarada ng mga barangay chairman na nasaksihan din ng naging panauhin ng lungsod na si Department of Tourism Undersecretary Ferdinand Jumapao.

Proud na sumayaw ng grupong Western 1 sa pangunahing atraksyon ng Mammangi Festival 2024. (Kuha ni Ann Esternon)

“Mababakas sa mga mukha ng ating mammangi warriors, mga kabataang mananayaw ang hirap at pagod. Tumatagaktak ang kanilang pawis. Todo-bigay ang kanilang lakas. Pero sa ilalim ng kanilang mga kasuotan, sa kanilang mukha ay naroon ang saya at ligaya upang maipamalas nila ang kanilang galing at talino sa ngalan ng kanilang mga barangay, sa ngalan ng lungsod ng Ilagan,” panimula ni Mayor Diaz.

Nagpasiklab din sa sayaw ang Northeastern 1 sa pangunahing atraksyon ng Mammangi Festival 2024. (Kuha ng Isabela PIO)

 

Higit 2k dancers hataw kung hataw

Sa pagsisimula, kahit tirik na tirik ang araw ay pumarada sa national road ang mga kalahok sa main attraction ng kapistahan.

Pagdating sa Sports Complex ay unang humataw ang 1,200 dancers ng Ilagan National High School.

Ang ipinagmamalaking sayaw ng San Antonio 1 para sa Mammangi Festival Streets Dance Competition. (Kuha ni Ann Esternon)

Mataas din ang hiyawan nang sumayaw na ang mahigit sa 800 dancers mula sa walong grupo ng apat na barangay clusters ng lungsod na kinabibilangan ng Northeastern 1, Northeastern 2, Poblacion 1, Poblacion 2, San Antonio 1, San Antonio 2, Western 1, at Western 2.

Bawat kalahok ay binigyan ng apat na minuto para ipamalas ang kanilang mga sayaw.

Ang husay sa pag-indak ng San Antonio 2. (Kuha ni Ann Esternon)

Sa huli ay nangibabaw ang Poblacion 2 matapos tanghalin bilang champion sa parehong Street dance and Showdown Competition.

Samantala, sa overall rankings ng naturang kompetisyon, itinanghal bilang 3rd Runner-Up ang Poblacion 1, parehong 2nd Runner-Up ang San Antonio 2 at Western 1, habang overall champion naman ang Poblacion 2.

Ang entry dance performance ng Western 2. (Kuha ni Ann Esternon)
Hindi rin nagpahuli sa saya ang Northeastern 2. (Kuha ni Ann Esternon)
Ang energetic performance ng Poblacion 1. (Kuha ng Isabela PIO)
Ang 1,200 dancers ng Ilagan National High School sa kanilang dance performance bago ang Mammangi Street Dance Competion. (Kuha ng Isabela PIO)