Hearts & Hands blind massage spa bukas na sa Tagaytay

Ang ikalawang sangay ng Hearts & Hands, Blind Massage spa na pormal na nagbukas noong Nobyembre 30, 2022 sa Bonifacio Drive, Silang Junction North, Tagaytay City sa Cavite. Isa lamang ito sa mga proyekto ng Embrace Organization for Differently Abled Inc. sa pamamahala ng Iglesia Ni Cristo upang mabigyan ng hanapbuhay ang differently abled persons nating kababayan. (Kuha ng Bilibb)

Hindi lahat sa atin ay nabibigyan ng pagkakataon na makahanap ng trabaho. Mas mahirap ito para sa differently abled persons o sa nakasanayang tawaging person with disabilities (PWDs) dahil sa kanilang sitwasyon.

Malaking bagay na mayroong isang organization na tumututok sa sitwasyon ng ating kapatid na mga visually impaired, pipi at bingi, may autism at iba pa sa pangangailangan tulad ng pagkakaroon ng sustainable livelihood opportunities, ito ang Embrace Organization for Differently Abled Inc.

Buong pusong ipinagmamalaki ng Embrace ang isinagawang enggrandeng pagbubukas ng Hearts & Hands, Blind Massage spa na ginanap sa Tagaytay City noong tanghali ng Nobyembre 30, 2022.

Masayang tinipon ang iba’t ibang personalidad sa Embrace Café, na katabi lamang ng spa, upang ipakilala ang bagong proyekto na ito.

Ilan lamang ang staff na ito ng Hearts & Hands, Blind Massage spa na pormal na nagbukas noong Nobyembre 30, 2022 sa Bonifacio Drive, Silang Junction North, Tagaytay City sa Cavite. Sila ay ilan lamang sa 100 nang differently abled persons na nabigyan ng pagkakataong makapaghanapbuhay ng Embrace Organization for Differently Abled Inc. sa pamamahala ng Iglesia Ni Cristo. (Kuha ng Bilibb)

Ang Hearts & Hands ay ikalawa sa sangay ng kanilang spa at ang pinakamalaki sa ngayon. Ang una nitong sangay ay nabuksan lamang ilang linggo bago magtapos ang Nobyembre sa Quezon City.

Dito ay gustong ibahagi ng Embrace ang awareness sa pagbubukas ng kanilang spa.

“Ang Embrace ay may apat na livelihood centers at pang-apat po ito sa binuksan ng Embrace organization for the differently abled,” ani True Santos-Matias, ang inspiring at dynamic Chairperson ng Embrace.

Ang Hearts & Hands, Blind Massage spa na pormal na nagbukas noong Nobyembre 30, 2022 sa Bonifacio Drive, Silang Junction North, Tagaytay City sa Cavite. Isa lamang ito sa mga proyekto ng Embrace Organization for Differently Abled Inc. sa pamamahala ng Iglesia Ni Cristo. (Kuha ng Bilibb)

Ang centers na ito ay ang Embrace Café, Embrace Bakeshop, Embrace Farm at ang Hearts & Hands.

Hindi rin natatapos dito ang kanilang layunin na makatulong dahil sa pangangailangan na mabigyan ng sapat at patas na pakikitungo ang mga kapatid nating differently abled.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2010, tinatayang 1.44 milyon ang populasyon ng differently abled persons sa bansa.

“Ayon po sa statistics na aming na-research ay napakarami po palang mga tao, na rito lamang sa Pilipinas, na mga blind na napakahirap po talagang bigyan ng pagkakataon at hanapan kung saan sila puwedeng magtrabaho. Kaya, ito ang isa sa mga inilunsad po ng pamamahala ng Iglesia Ni Cristo, ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, para makatulong sa mga kababayan nating differently abled.” paliwanag ni Santos -Matias.

Plano ng Embrace na magkaroon ng ganito pang uri ng mga proyekto sa buong bansa kung saan ibinalita rin nila na sa unang bahagi ng 2023 ay bubuksan ang isa pang malaking sangay sa Central Avenue sa Quezon City.

Ayon pa sa Embrace ay mayroon na silang 11 café, 3 bakeshops, 1 vegetable farm na tunay sa konseptong farm-to-table kung saan puwedeng anihin mismo ang bibilhing mga gulay.

Sa ngayon ay mahigit sa 100 differently abled persons na ang nabigyang ng mga trabaho ng Embrace at 60 porsyento ng kanilang organisasyon ay binubuo ng mga kapatid nating tulad nila.

Ang Embrace Farm na katabi lamang ng Embrace Café at bagong bukas na Hearts and Hand Blind Massage Spa na matatagpuan sa Bonifacio Drive, Silang Junction North, Tagaytay City sa Cavite. Ito ay mga proyekto ng Embrace Organization for Differently Abled Inc. na may layuning makapagbigay ng trabaho sa differently abled persons. (Kuha ng Bilibb)