Heart failure: Nakaaalarmang kaso sa Pilipinas

Ang puso ay isang mahalagang organ na nagpapalipat-lipat ng dugo, naghahatid ng oxygen at nutrients sa mga tissue at iba pang organ, at nag-aalis ng mga dumi. Ito ay naka-link sa mga prosesong physiological, hormonal regulation, immune response, at emotional health.

Ang cardiovascular diseases (CVD) ay isang nangungunang sanhi ng morbidity at mortality sa buong mundo.

Isa sa mga kondisyon na maaaring kaharapin ng puso ay ang heart failure. Isa ito sa mga tinalakay sa Usapang Puso sa Puso ng Philippine Heart Association (PHA) nitong Marso 31.

Naging tagapagsalita rito sina Dr. Avelino “Jun” Aventura Jr., Director III at Advocacy Chair ng PHA at si Dr. Liberty “Petite” Yaneza, isang interventional cardiologist at epidemiologist at head ng Heart Transplant in Cardiology ng Philippine Heart Center.

Si Dr. Avelino “Jun” Aventura Jr., Director III at Advocacy Chair ng Philippine Heart Association.

Estado ng heart failure sa Pilipinas

Ayon kay Dr. Aventura, ang heart failure o palyadong puso ay nagreresulta mula sa mga komplikasyon ng CVD at apektado ng sakit na ito ang maraming tao sa buong mundo.

Sa datos, 64 milyong tao sa mundo ay nakararanas ng heart failure habang sa Pilipinas ay nasa 10 milyon. Sa atin, tinatayang 16 sa 1,000 Pinoy ang naoospital dahil dito – ito ay ang mga na-diagnose. Ibig sabihin, hindi kabilang ang hindi pa nasusuri.

Ang karaniwan sa heart failure ay pagbara sa ugat sa puso o may heart attack ang pasyente kaya kalaunan ay nagiging manipis din ang muscle ng puso.

Mahalagang tama lamang ang kapal at nipis ng muscle ng puso. Kapag sobrang nipis ng muscle, hirap mag-pump out ng dugo ang puso at reduced na ang percentage ng dugong lumalabas.

Sa paliwanag pa, sa heart failure preserved ang puso ay parang balde na pupunuin ng dugo at kapag puno na ay inilalabas din ito. Pero kung makapal o stiffed ang muscle ng puso wala nang masyadong space para makapuno ng dugo, kaya kaunting dugo rin ang nailalabas na nagiging problema.

Si Dr. Liberty “Petite” Yaneza, isang interventional cardiologist, epidemiologist at head ng Heart Transplant in Cardiology ng Philippine Heart Center.

“Sa heart failure, nahihirapan ang puso na mag-sustain ng tamang dami ng dugo o nutrients sa buong parte ng katawan. Alam na po natin na ang puso ay central pumping machine ng katawan natin so dapat malusog po siya kasi siya po ang nagre-receive ng dugong nagamit na, at the same time siya rin po ang maglilinis at maglalabas ng dugong malinis sa buong parte ng katawan. So, kung siya ay palyado lahat ng organs sa katawan ay affected din – utak, kidney, ang lahat ng mga internal organs natin, pati sa mga paa ay apektado ‘pag mahina ang pagtibok ng ating puso,” paliwanag ni Dr. Yaneza.

Malaking problema rin kung palyado ang mga bato dahil kapag hindi nito nailabas ang tubig mula sa katawan ay nagiging sanhi ng pagkabara.

 

Ilan sa mga senyales at sintomas ng heart failure

– hirap sa paghinga – na tuwing naglalakad din ay nahihirapan nang makalayo

– hirap makahiga nang flat tuwing magpapahinga dahil hirap huminga. Minsan ay nagigising bigla sa gabi dahil napupuno ng tubig sa baga kaya hirap ding huminga.

– namamanas ang mga paa

– nanghihina

– hirap nang kumain

– namimintog ang mga ugat sa leeg

Maaaring dumaan sa walk test ang pasyente kung saan paglalakarin sa loob ng 6 minuto. Kapag umabot lamang ng 300 meters ang nilakad sa 6 minuto, maaaring may heart failure na ang pasyente.

 

Stages ng heart failure

Ayon kay Dr. Yaneza, may stages na ginagamit sa heart failure at ito ang stage A, B, C, at D.

“Yung stage A, hindi pa siya considered heart failure pero at risk siya na magkaroon siya ng heart failure. ‘Yun ‘yung mga pasyenteng may diabetes, may high blood or obese. Nagkakaroon ng mga coronary artery disease. ‘Yung stage B naman po, wala pa silang symptoms ng heart failure pero ‘pag ginawan sila ng test, mayroon na silang structural heart problems. Kumakapal na ‘yung muscle nila ‘pag ginawa natin ng 2D echo o mahina na ‘yung function ng puso niya pero wala pa po siyang symptoms,” ani Dr. Yaneza.

Samantala, sa stages C at D ay nakikita na ang mga sintomas pero sa stage D, karaniwan na nako-confine ang pasyente sa ospital, pabalik-balik at hindi na nakukuha sa gamot ang kondisyon. Ito ang tinatawag ding advanced heart failure.

Mahigpit na payo ng mga doktor na agad magpasuri upang malaman ang kondisyon ng puso – na habang maaga pa lamang ay nahahanapan na ito agarang solusyon.

Sino ang mga nasa peligro?

– Hypertensive o ang mga taong may altapresyon lalo na ang mga hindi nainom ng maintenance. Tandaan na traydor ang altapresyon.

– Mahilig sa maaalat na pagkain. Ipinapayo rin na hanggang 1,500mg (kalahating kutsarita) ng asin kada araw lamang ang dapat ikonsumo ng taong obvious nang may heart failure. Makabubuting sanayin ang katawan na matabang ang kinakain.

– Diabetic o kung hindi ito nakokontrol. Tandaan na kapag sobra ang asukal, nagiging lason ito sa musle ng puso kaya dapat bawasan ang konsumo nito.

– Obese, dahil posibleng mataas ang kolesterol at diabetes.

Ipinapayo rin na kailangang mag-exercise nang regular. Maging mapanuri sa calorie intake kung saan hanggang 1,600 lamang sa mga babae at 2,000 calories para sa mga lalaki.

Dapat ding bawasan ang pagkain ng karne ng baboy at baka, sunny side up egg, butter, margarine, at mayonnaise. Bawasan din ang pagkain ng croissant at donuts dahil sa transfat na maaaaring dumikit sa linig ng ating mga ugat.

Classification ng heart failure sa 2D Echo

Maraming klasipikasyon ang heart failure. Nalamaman ang klasipikasyon batay sa ejection fraction na nasusuri ang measurement sa 2D echo. Ito ang percentage ng dugo na napa-pump out ng puso. Pero ano ang normal na ejection fraction?

“Normal is more than 55%, usually. So, ang staging sa classification naman based on ejection fraction, actually, tatlo na po tayo. ‘Yung heart failure reduced ejection fraction ‘pag ang kanyang EF is less than 40%, heart failure preserved. ‘Yun ‘yung maganda ‘yung kanyang power more than 50% pero considered pa rin siya na may heart failure. Tapos ‘yung sa gitna ‘yung heart failure, mildly reduced ejection fraction na sa 41-49% ang EF niya,” paliwanag ni Dr. Yaneza.

Mga gabay para hindi mapagod ang puso

– Dapat magkaroon ng normal blood pressure na 130 over 80

– Imantina ang waist circumference sa babae ay 33 inches less at below 37 inches sa lalaki, nasa peligro na kapag wala sa ayos ang sukat na ito

– Ang body mass index o BMI ay dapat nasa pagitan ng 18.5 and 24.9

– Iwasan o itigil ang paninigarilyo

– Itigil ang pag-inom ng alcoholic drinks

– Maging maingat sa mga kinakain – sobrang asin, asukal, taba

 

Ano’ng dapat gawin kapag na-myocardial infarction o heart attack dahil sa coronary heart disease o blocked arteries? Paano ang gamutan at dapat gawin para maiwasan ang heart failure.

Ayon kay Dr. Yaneza, ang puso ay may iba’t ibang regions at maaaring partikular na region lamang ang inaatake.

“Ang heart kasi natin parang Luzon, Visayas, and Mindanao din po ‘yan. Divided ‘yan into several regions. So, minsan ‘yung inferior part ng heart pa lang ang naha-heart attack. Kaya medyo wala pang evidence na na-heart failure kasi nagko-compensate ‘yung ibang regions o ibang muscle,” ayon sa doktora.

“Mayroon sa lateral aspect ng muscle ng puso, mayroon sa baba sa interior, mayroon sa anterior part. ‘Yung iba kaya hindi tinatawag natin na one-time big time baka ‘yung small part lang ng muscle na nai-involve. Pero kung paulit-ulit ang heart attack, marami na muscle na mamatay, hindi kasi nakakapag-regenerate ang muscle, hindi katulad ng liver na it can regenerate. But then with heart muscle, once it goes into infarction, dead muscle na po ‘yan. So ang kini-care po natin ngayon ‘yung mga buhay na muscle. So, kailangan pong alagaan natin sila para maka-sustain pa rin, maging strong pa rin ‘yung pag-pump po niya. So, that’s why ‘yung medicine is prolonged. Talagang lifelong medications na po ‘yan.

 

Iba pang gabay para maiwasan ang heart failure

Maraming paraan para hindi pumalya ang puso kabilang ang pagkontrol sa blood pressure. May tulong din ang science rito para ang pasyente ay magkaroon ng kaginhawaan.

“Kung hindi naman po siya (pasyente) hypertensive, pinapaluwagan po natin ‘yung ugat sa labas ng puso para mabilis ang pag-pump out ng dugo from the heart. ‘Yung iba naman, medicine is pinapaluwagan natin ‘yung ugat bago pumasok ‘yung dugo sa puso para mabagal ang pagpasok ng dugo sa heart, hindi siya nabibigla. Tapos mayroon tayong pampa-relax ‘yung tinatawag natin beta-blockers para medyo relaxed po ‘yung heart, medyo mabagal ng konti ang tibok – para kalmado lang ang puso,” paliwanag pa ni Dr. Yaneza.

Ang palaging paalala ng mga doktor ay maging maingat sa kalusugan anuman ang edad, at mahalagang magpasuri sa prospesyonal sa kalusugan lalo na kung may mga sintomas nang nararanasan.