Heart attack at cardiac arrest, magkaiba

Ang heart attack o atake sa puso ay nangyayari kapag ang daloy ng dugo papunta sa puso ay naharangan, madalas na nangyayari ito sa pamamagitan ng isang namuong dugo (blood clot) o isang pagbuo ng plaque sa mga artery.

Dapat nating maunawaan na ang heart attack at cardiac arrest ay magkaiba ngunit may koneksyon ang mga ito sa isa’t isa.

Parehong medical emergencies ang heart attack at cardiac arrest na pangunahing apektado nito ay ang puso.

Ang salitang cardiac ay nagmula sa Griyego na kardia na nangangahulugang puso.

 

Heart Attack

Ang heart attack o atake sa puso (myocardial infarction) ay nangyayari kapag ang daloy ng dugo papunta sa puso ay naharangan. Madalas na nangyayari ito sa pamamagitan ng isang namuong dugo (blood clot) o isang plaque buildup (pagbuo ng kolesterol) sa mga artery (daluyan ng dugo na naghahatid ng oxygen-rich blood mula sa puso patungo sa mga tisyu ng katawan).

Sa pagkakaroon ng kolesterol o plaque sa daluyan ng dugo (ugat) at pagkakaroon ng bloot clot o namumuong dugo ay kumikitid ang looban ng ugat dahilan para magbara ito na maaaring magresulta sa atake sa puso.

Sa atake sa puso, pinipigilan ng isang baradong artery ang pagdaloy ng dugo sa bahagi ng puso na pinaglilingkuran ng artery. Ito ay nagiging sanhi para ang bahagi ng puso na ‘yon ay magsimulang mamatay.

Ang muscle (kalamnan) ng puso ay nangangailangan ng oxygen upang magpatuloy sa pagtibok, kapag ang daloy ng dugo ay naharang, ang kalamnan ay nagsisimulang mamatay. Ito ang dahilan kung bakit ang mga inaatake sa puso ay kailangang magkaroon ng operasyon upang malutas ang pagkakaroon ng harang at maibalik sa normal ang daloy ng dugo.

Ang mga sintomas sa atake sa puso ay maaaring magsimula nang dahan-dahan at magpatuloy nang ilang oras, araw, o linggo. Patuloy na tumitibok ang puso, ngunit dahil sa pagbara, hindi nito natatanggap ang lahat ng oxygen-rich blood na kailangan nito.

Tandaan natin na kapag inaatake sa puso, hindi lahat ay may parehong mga sintomas.

 

Mga sintomas ng atake sa puso

– pananakit ng dibdib o maiksi ang paghinga

– mabilis o hindi regular na tibok ng puso

– pagpapawis o pagpapawis nang malamig

– hindi pangkaraniwang pagkapagod

– pagkahilo

– pagduduwal, heartburn, o pananakit ng tiyan (mas nangyayari sa mga babae kaysa mga lalaki)

– nakararamdam ng pagod na araw o linggo ang itinatagal bago ang atake sa puso

Kapag inaatake sa puso, maaaring makaramdam ng pananakit sa gitnang bahagi ng dibdib. Mapapansin na ang taon nakararanas nito ay nakahawak sa dibdib na tapat sa kanyang puso. Ang pananakit ay maaaring kumalat sa likod, panga, o braso. Maaari rin namang makaramdam ng sakit sa mga lugar na ito pwera ang dibdib. May iba naman na nakararamdam ng pananakit ng tiyan at napagkakamalang hindi pagkatunaw ng pagkain ang atake sa puso.

May tinatawag ding silent heart attack na kung saan ay nangyayari ito nang walang mga sintomas o may napakabanayad na mga sintomas.

Kapag matanda na ang tao mayroong mga kondisyon na nagdudulot ng pinsala sa ugat, tulad ng diabetes, ito ay maaaring makaapekto sa kung paano siya nakararanas ng pananakit. Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng atake sa puso nang hindi nakararamdam ng sakit.

 

Cardiac Arrest

Ang biglaang cardiac arrest o pag-aresto sa puso ay kapag ang puso ay hindi gumagana at biglang huminto sa pagtibok at kailangang ma-restart ito.

Dahil pinipigilan ng cardiac arrest ang pagtibok ng puso, hindi nakukuha ng ating utak, baga, at iba pang organ ang dugo at oxygen na kailangan ng mga ito. Ang cardiac arrest ay madalas na nangyayari nang walang babala. Maaaring humantong ito sa permanenteng pinsala sa utak at ibang organ o maaaring ikamatay ng pasyente sa loob lamang ng ilang minuto kapag walang medikal na tugon na naibigay.

Ang atake sa puso ay ang sinasabing isyu sa sirkulasyon habang ang biglaang cardiac arrest ay isang “electrikal” na isyu. Electrical problem ito na na-trigger ng pagkagambala sa ritmo ng puso.

 

Mga sintomas ng cardiac arrest

– pagkahilo

– pagkawala ng malay

– maiksi ang paghinga

Sa loob ng ilang segundo ng cardiac arrest, ang pasyente ay nagiging unresponsive at nahihirapang huminga.

Kapag nangyayri ito sa tao, mahalagang may mga kasama ito kahit dalawang iba pang mga tao – isa ang gagawa ng cardiopulmonary resuscitation o CPR habang ang isa ay tatawag ng ambulansya.

 

Koneksyon ng heart attack at cardiac arrest

Ang biglaang cardiac arrest ay maaaring mangyari matapos ng atake sa puso, o sa panahon ng recovery. Ang atake sa puso ay nagdaragdag ng panganib para sa biglaang cardiac arrest. Maraming nangyayaring atake sa puso ang hindi agad humahantong sa biglaang cardiac arrest, ngunit kapag nangyari ang biglaang cardiac arrest, ang atake sa puso ay ang karaniwang dahilan.

 

Sino ang mga delikado sa heart attack at cardiac arrest?

– ang mga may edad o matatanda. Ang mga lalaking nasa edad 45 pataas at mga babaeng edad 55 pataas ay mas malamang na magkaroon ng atake sa puso kaysa sa mga nakababata sa kanila

– matataba o may obesity issue

– walang pisikal na paggalaw o walang ehersisyo

– may problema sa bato o kidney

– may diabetes

– mas delikado ito sa lalaki kumpara sa babae dahil sila ang mas madalas na naninigarilyo at may higit na stress na nagreresulta sa diabetes at hypertension

– may family history ng cardiac arrest

– may family history ng mga minanang karamdaman na maaaring magdulot ng arrhythmias o cardiomyopathy

– naninigarilyo

– may high blood cholesterol o high blood pressure

– nakararanas ng stress

– walang maayos na nutrisyon sa katawan

 

Ano ang porsyento ng kaligtasan ng heart attack at cardiac arrest?

Hindi lahat ng atake sa puso ay nagreresulta sa cardiac arrest. Sa atake sa puso, ang long-term rate ng kaligtasan ay karaniwang nasa pagitan ng 97% at 98% at ang mga bilang na ito ay nakadepende sa uri ng atake sa puso, mga arterya na kasangkot, at iba pang mga variable kabilang ang edad at kasarian.

Samantala, sa biglaang cardiac arrest, maaari makaligtas ang pasyente kung makatatanggap ng agarang paggamot (na may CPR o cardiopulmonary resuscitation o isang defibrillator), kahit na sa ngayon ay 5–10% lamang ng mga kaso ang naililigtas.