Health benefits sa pagkain ng chicken feet

Ang paa ng manok ay kilalang pagkain sa Asya partikular sa China, Korea, Vietnam at siyempre kabilang dito ang Pilipinas.

Kahit popular ay may mga tao rin na ayaw sa pagkain na ito dahil para sa kanila ito ay marumi. Iniisip kasi nila na maraming inaapakan ang mga manok na kung ano-ano noong ang mga ito ay buhay pa at nasa pag-aalaga pa ng poultry industry.

Para naman sa iba, parang status symbol ang paa ng manok – pagkain daw ito ng mahihirap. Pero kung tutuusin mahal ang mga ito sa Asian restaurants. Ang kadalasang isang serving nito ay tatlo hanggang apat na pirasong paa na aabot sa P110 hanggang P180.

Bilang pagkain naman ng masa, karaniwan itong makita sa mga turo-turo o tinatawag na street food. Mas popular din itong tawaging “adidas”. Makikita rin ito sa mga karinderya na nasa mababang presyo.

Kapag ang main ingredient ay paa ng manok, maraming klaseng luto ang magagawa rito gaya ng inihaw, adobo, steamed o braised type nito at iba pa.

Kahit wala naman talagang laman na makakain sa paa ng manok ay may health benefits itong taglay gaya ng mga sumusunod:

Pampaganda ng kutis. Mataas sa collagen ang paa ng manok. Ang ­collagen ay maaaring ituring na protein na parang glue upang maging buo o firm ang muscle at balat natin. Ang benefits nito ay hindi lamang sa balat kundi para rin sa puso lalo na sa mga atleta o may active performance.

Ang collagen ay tulong para sa healthier at younger skin. Maganda rin ito sa buhok. Mataas ito sa calcium at protein na walang carbohydrates. Pinatitibay nito ang blood vessels o ugat kaya ang blood supply ay nagiging maayos. Tulong din ito sa produksyon ng red blood cells.

Pambawas timbang. Ang paa ng manok ay mabuti sa pagbabawas ng timbang. Tulong sa pagpa­paganda ng metabolism. Malaking tulong sa muscle mass. Pinababagal nito ang epekto ng arthritis. Mabuti rin ito bilang panlaban sa sakit sa kasu-kasuan. Tulong din para mabawasan ang pamamaga at pananakit na nararamdaman.

Sa isang pag-aaral na ginawa noon mula sa Faculty and Veterinary Science Chung-Hsing University sa Taiwan, ang dami ng collagen na matatagpuan sa paa ng manok ay parehas lamang ng dami ng collagen na matatagpuan sa mabeberde at madadahong gulay at prutas.

Nasa pag-aaral din na ang benepisyo sa pagkain ng paa ng manok ay mahusay sa mabilis na paggaling ng sugat, mabuti sa immune system, pampatibay ng mga buto at para sa healthy na kuko, at pampatibay ng gilagid. Gayundin, pampababa rin ito ng blood pressure at stress, nagbabalanse ng hormones, at pambawas ng problema sa sikmura.