Halos 19 milyong graduates ng junior at senior high school noong 2024 ang hindi marunong bumasa at umunawa ng simpleng istorya, batay sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Kabuuang 18.96 milyong kabataang nakapagtapos noong 2024 ng junior at senior high school level ang inihayag itong Miyerkoles sa isinagawang pagdinig ng Senate basic education committee kung saan chairperson dito si Senator Sherwin Gatchalian.
“They graduated from our (education) system, 18 million of them whether sa old system or the new system but they are not functionally literate. Because paano sila nag-graduate nang hindi sila functionally literate?” pagdidiin ni Gatchalian.
“Iba ‘yong hindi pumasok (sa klase) eh. Iba rin ‘yong pumasok ka but naka-graduate ka, but you’re not functionally literate and this is where the basic education comes in, because that 18 million who graduated while not being functionally literate should not happen,” dagdag pa ng Senador.
Sa datos ng PSA, lumalabas na isa sa limang high school graduates ang hindi makaunawa sa binabasa kahit sa simpleng istorya.
Nasa datos din na 24.8 milyong Pilipino ang hindi makaunawa sa binabasa at ito ay nasa edad 10 hanggang 64 habang 5.8 milyon naman ang hindi makabasa at makasulat.
Nasa mga lalawigan ng Visayas at Mindanao naman ang may datos ng pinakamataas na functionally illiterate.
May grupo naman ng mga guro na ang nakikitang isang dahilan sa krisis sa edukasyon na ito ay ang pagsasagawa ng mass promotion na kahit hindi gaanong kahusay ang estudyante sa pag-aaral ay kailangang ipasa.

