Halaga ng Phil independent cinema, muling pinatunayan ng Cinemalaya 2026

Ngayong taon, muling nagbukas ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival mula Agosto 6 hanggang 18 para sa ika-22 edisyon nito, kung saan itinampok ang full-length at short film entries sa piling mga sinehan.

Sa siyam na full-length entries, natunghayan namin ang anim, at kapansin-pansin ang lawak ng mga kuwentong inihain ng entries ngayong taon, mula sa usaping pamilya, pagkawala, at pagkabata, hanggang sa mga pangarap, pakikipaglaban, at realidad ng buhay Pilipino. Bawat pelikula ay may kanya-kanyang paraan sa storytelling, pero pare-pareho silang nakaugat sa pang-araw-araw na pamilyar sa maraming Pilipino.

Sa Tirik ay sinundan natin sina Paring Bert, isang pari, at si Santos, isang parishioner at taxi driver, patungo sa isang burol na kanilang pupuntahan. Ang kanilang naging biyahe ay nagsilbing metaphor ng kanilang moral conflicts, na umikot sa realidad na nakapaligid sa extrajudicial killings at drug war. Maganda ang premise ng pelikula dahil maraming social at political themes ang puwedeng himayin, at hindi maikakaila na may bigat ang mga isyung sinusubukan nitong talakayin.


Sa Hand of God, isang military lieutenant ang nagtuturo ng football sa mga bata sa isang conflict-ridden community at nagkakaroon ng unexpected connection sa isang batang sundalo. Naging bahagi ng diskusyon online ang portrayal nito sa military, kung saan may ilang viewers na nakakita rito bilang military propaganda. Gayunpaman, maaari rin itong tingnan mula sa perspektibo ng pagtalakay sa karapatang pambata, partikular ang karapatan ng mga bata na makapaglaro, mangarap, at maranasan ang pagiging bata.


Samantala, ipinakita ng Kaka sa Yawan na hindi kailangang maging komplikado ang isang kuwento para magkaroon ng impact. Si Niko, isang bata mula sa Manila, at Ayan, isang Tadyawan-Mangyan boy na nakilala niya sa Mindoro ay naging magkaibigan dahil sa isang nakakatawang engkwentro. Simple lamang ang kuwento, at wala ring malalaking plot twist, pero nasa quiet moments ng pelikula ang tunay nitong kagandahan. Sa mga simpleng interaction, friendship, at cultural details, unti-unting lumilitaw ang kagandahan ng kuwento ng pagkakaibigan.

Ibang klase rin naman ang approach ng Mag-iina, na naghatid ng isang plot twist at nag-iwan ng maraming tanong sa mga manonood. Si Anj ay umuwi sa ancestral home ng kanilang pamilya sa panahon na malapit sa ika-40 araw ng pagkamatay ng kanyang ama. Doon natin makikita ang tatlong henerasyon ng kababaihan na pinagbubuklod ng madilim na family secret. Bukod sa shock value nito, mahalagang tingnan ang pelikula bilang isang pagtuklas ng grief, pamilya, at generational trauma, partikular na kung paano ang mga sugat ng isang henerasyon ay maaaring maipasa at makaapekto sa susunod.


Ang 2 Valid IDs ay medyo mas literal at ‘di hamak na pamilyar sa karamihan sa atin, sapagkat naipakita rito ang araw-araw na karanasan ng ordinaryong Pilipino. Si Sylvia, isang mahirap na galing sa probinsya, ay kailangan ng dalawang valid IDs para makuha ang perang kailangan niya para sa medical treatment ng kanyang asawa. Sa isang simpleng pangangailangan na nangangailangan ng dalawang valid IDs, naipakita kung paano ang bureaucracy at komplikadong proseso sa gobyerno ay maaaring maging dagdag na pasanin sa mga taong mayroon nang mabigat na pinagdadaanan.


Ang Status: Rejected naman ay tumitingin sa isa pang matagal nang bahagi ng Filipino experience — ang American Dream. Sa sentro ng kuwento ay si Virginia, o Biring, isang 69-year-old widow na ilang beses nang na-reject sa pag-a-apply ng U.S. visa. Ang kagustuhan niyang ito ay nakaugat sa hiling na muling makasama ang anak niyang nagtatrabaho abroad at magkaroon ng buhay na mas malayo sa mga limitasyon ng kasalukuyan. Ipinakikita ng pelikula na ang ideya ng pagpunta sa ibang bansa para magkaroon ng mas magandang buhay ay hindi kasing simple ng madalas na ipinakikita. Lalo itong nagiging komplikado sa kasalukuyan, kung saan patuloy na dumarami ang scams at mga taong handang samantalahin ang vulnerability ng mga naghahanap ng oportunidad.

Sa mga pelikulang aming napanood, makikita kung gaano ka-diverse at ka-creative ang paraan ng Filipino independent cinema sa pagtalakay sa mga ganitong tema, may mga pelikulang mas tahimik, may mas unsettling, at may mga kuwentong direktang humaharap sa mga sistemang nakaaapekto sa pangaraw-araw na buhay.

Sa kabuuan, Cinemalaya 2026 proves why Filipino independent cinema continues to matter. Hindi man pare-pareho ang execution ng bawat pelikula, bawat isa ay may kuwentong may gustong sabihin at perspektibong gustong ipakita. At marahil ito ang pinakamalaking strength ng festival ngayong taon: hindi ito natatakot magkuwento tungkol sa mga bagay na pamilyar sa atin, kahit hindi laging komportable, maganda, o madaling intindihin ang mga ito. Bagama’t malinaw na ang lineup ngayong taon ay isa sa pinakamalalakas ng Cinemalaya, isang seleksyon na hindi lamang nagpapakita ng talento ng Filipino filmmakers, kundi nagpapaalala rin kung gaano karaming kuwento ang mayroon ang Filipino independent cinema na karapat-dapat mapanood, mapag-usapan, at mapakinggan.