Guinakit Fluvial Parade: Tradisyong hinahangaan

Makikita sa larawang ito ang pagdagsa ng mga tao upang saksihan ang taunang Guinakit Fluvial Parade noong Disyembre 19, 2022 bilang huling bahagi ng Shariff Kabunsuan Festival sa Cotabato City sa Mindanao. Ang fluvial parade ay reenacment ng pagdating ni Shariff Mohammad Kabunsuan upang ipakilala ang mga turo ng Islam sa Mindanao noong ika-16 siglo. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Ang Guinakit Fluvial Parade ay isang tradisyong masigla at makulay na huling bahagi ng limang araw na Shariff Kabunsuan Festival na sinimulan noong Disyembre 15, 2022 at nagtapos ng Disyembre 19, 2022.

Sa pre-program, may grupo ng mga mananayaw na nagpamalas ng makulay at dramatikong sagayan. Ang sagayan ay isang Maguindanao war dance na tradisyunal na ginagawa para sa pagpapagaling, na sinamahan ng isang ritwal, gayundin sa malalaking pagdiriwang.

Sa taunang Guinakit Fluvial Parade na hinahangaan, masasaksihan ang paggunita sa isa sa pinakamahalagang kabanata ng kasaysayan ng lahing Pilipino.

Ang taunang tradisyong Guinakit Fluvial Parade na hinahangaan bilang bahagi ng 5-araw na Shariff Kabunsuan Festival sa Cotabato City na ginanap noong Disyembre 2022. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Sa naturang parada ay isinasadula ang pagdating ni Shariff Mohammad Kabunsuan sa pampang ng Masla Pulangi na ngayon ay kilala bilang Rio Grande de Mindanao, na mahigit limang siglo na ang nakararaan.

Ang salitang “guinakit” ay nangangahulugang convoy o grupo ng mga bangka.

Ayon sa kuwento, si Shariff Kabunsuan ay anak ni Shariff Alih Zainal Abidin at isang descendant ni Propeta Muhammad S.A.W. mula sa Hadramount na Katimugang bahagi ng Saudi Arabia na lumipat sa Malaysia. Siya ay umalis sa Johor kasama ang kanyang mga tauhan, sakay ng kanilang mga bangka, at kalaunan ay dumaong sa Mindanao. Nakilala niya ang mahahalagang personalidad tulad nina Tabonawe at Mamalu—ang mga ninuno ng mga Maguindanaon.

Si Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Dela Cruz Matabalao habang nagbibigay talumpati sa Shariff Kabunsuan Festival sa nasabing lungsod na ginanap noong Disyembre 15-19, 2022. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Ang Guinakit Fluvial Parade ay sinimulan sa dalampasigan ng Tamontaka Il hanggang sa dalampasigan ng Bubong, Kalangan II (Bai Walk) sa Cotabato City. Tinatayang mahigit sa 50 mga bangka ang lumahok sa okasyon na ito.

Sa paradang ito ay naging tampok ang partisipasyon ng mga ministeryo, opisina, at ahensya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, at iba pang organisasyon. Ang kabuuan ng kapistahan ay sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at sa suporta rin ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Dela Cruz Matabalao.