Giant Butaka: Higanteng turismo ng Ilagan

Ang mga mamamahayag habang nakapuwesto sa gilid ng Giant Butaka na matatagpuan sa Barangay Alinguigan, Lungsod ng Ilagan sa lalawigan ng Isabela. (Kuha ni Teddy Pelaez)

Kung malakihang ‘photo op’ (photo opportunity) ang labanan, handang-handa ang Giant Butaka ng lungsod ng Ilagan sa lalawigan ng Isabela. Ito ay matatagpuan sa Barangay Alinguigan, kahabaan ng pampublikong kalsada, at katabi ng Bonifacio Park.

Bilang bahagi ng Mammangi Festival, ang grupo ng national media ay naimbitahan na galugarin ang lungsod upang masilayan ang kanilang natatanging mga bahagi ng turismo. Isa sa sinadya ng grupo ang masilayan ang nakamamanghang Giant Butaka.

Ang butaka ay hango sa wikang Español na “butaca” o lazy chair. Noong araw partikular sa panahon ng mga Español, ang butaka ay gamit lamang ng mga mayayamang pamilya. Sa paglipas ng panahon ang butaka ay naging malaking bahagi ng pamumuhay ng mga Ilagueños.

Ang Giant Butaka na kilala rin bilang “Butaka ni Goliath. ” (Kuha ni Elvie Altez)

Ang plano ng paglikha ng upuang ito ay nagsimula noong Nobyembre 2002. Upang maging pormal ang pagkakaroon ng komite hinggil sa paglilikha ng Giant Butaka, nag-isyu ng batas ang dating alkalde ng Ilagan na si  Delfinito Albano noong Enero 2003. Nang sumunod na buwan ay naging pinal ang desisyon sa nasabing proyekto at napagkasunduang ang hitsura ng upuan ay katulad ng tunay na butaka.

Sa Barangay Alinguigan nagmula ang mga taong lumikha ng upuang nabanggit, lugar na kinilalang “Furniture Capital” ng Lambak ng Cagayan kung saan umaabot sa 95 porsyento ng mga nakatira rito ay nasa paglikha ng muebles.

Yari sa primera klase ng narra at rattan, ang upuang ito na kinilala ring “Butaka ni Goliath” ay may sukat na 11 ft. 4 in. ang taas, 20.8 talampakan ang haba, at 9.7 talampakan ang lapad. Ang board feet nito ay may sukat na 1.184 feet na yari sa narra at 1.740 na rattan board feet rattan stripe. Ang upuan na ito ay may bigat na mahigit 1,000 kilo. Nilikha ito noong Abril 2003 at tinatayang hanggang 50 katao ang gumawa sa loob ng 29 araw. Sa paglikha, inabot ito ng halagang P150,000.

Pormal na ipinakilala sa publiko ang Giant Butaka noong Mayo 2003.

Ipinagmamalaki rin ng Ilagan na nabuo ang Giant Butaka sa pinansyal na kontribusyon ng mga negosyante ng lumilikha ng mga muebles, habang ang iba nito ay sa kontribusyon din ng nabanggit na alkalde.