Generic walang bisa kumpara sa branded na gamot?

Kung ikaw ang papipiliin ano ang bibilhin mo, generic o branded medicines? Wala ba talagang bisa ang generic kaya marami ang alangan na bilhin ito? Alamin natin ang lahat ng ito.

Bakit may generic at branded na mga gamot?

Ang kumpanyang nakatuklas ng isang bagong gamot ay mag-aaplay para sa proteksyon ng patent upang maiwasan ang ibang mga negosyo sa paggawa at pamamahagi ng gamot. Sa loob (o maaaring umabot) ng 20-taong nakabinbing patent na panahon, gagawa at ibebenta ng kumpanya ang gamot sa ilalim ng isang brand name upang mabawi ang puhunan nito at kumita. Sa paglipas ng panahon, ang pangalang ito ay nagiging kasingkahulugan ng gamot. Ngunit pagkatapos mag-expire ang patent, ang ibang mga kumpanya ay malaya nang gumawa ng katulad na gamot. Ito ang pinagmumulan ng tatak ng branded na gamot at mga generic na pangalan.

Ang generic medicines ay mabisa katulad ng branded na mga uri nito. Katunayan, ang mga lehitimo nito ay aprubado ng Food and Drug Administration ng bansa na may parehas na clinical benefit ng mga gamot na branded. Ibig sabihin, nasa batas na dapat ay may bisa ang generic medicines na nabibili sa merkado.

Ang isang generic na gamot ay dapat kapareho ng isang branded sa mga tuntunin ng dosis, kaligtasan, bisa, lakas, katatagan, at kalidad gayundin kung paano ito dapat gamitin.

Wala ba itong mga pagkakaiba?

Maaaring iba ang hitsura ng mga generic na gamot at may kasamang iba’t ibang di-aktibong kemikal o inactive ingredients tulad ng fillers o preservatives. Magkaiba rin ito sa pangalan, hugis, kulay at lasa – bagay na ipinag-uutos din ng batas.

Ang mga gamot na branded ay maaaring minsan ay mas mahal kaysa sa mga generic.

Bakit hindi parehas ng mga presyo?

Maaaring magtaka kayo na kung parehas ng kalidad at bisa ang branded at generic na gamot, bakit magkaiba ang presyo ng mga ito?

Ang mga branded na gamot ay dumaan sa mas malawak na pag-aaral. Mas malaki rin ang gastos ng mga ito mula sa patency, marketing, promotion at iba pa.

Sa promotion, halimbawa, katulad nito ay ang pagkakaroon ng advertisement o commercial sa radyo, telebisyon, reading materials at iba pa. Kumukuha rin sila ng endorser upang higit pang tumaas ang kanilang benta – bagay na binabawi rin nila sa presyo ng kanilang produkto. Sa madaling salita, investment costs ang pagkakaiba ng generic sa branded na mga gamot.

Sa ganitong dahilan din ay may opsyon ang mga tao dahil ang generic na mga gamot ay maaaring pamalit sa branded na mga uri nito.

Bakit mas nirereseta ng mga doktor ang branded na gamot?

Sa pagrereseta ng isang brand-name na gamot kahit na may available na generic na bersyon, mas pinipili ng maraming doktor ang mas may pangalan. Sa pag-aaral din, lumalabas na may natatanggap ang mga doktor na insentibo mula sa gumagawa ng mga gamot dahil nakikita rin itong promosyon sa kanilang mga produkto. Ang halimbawa nito ay pagtanggap ng pagkain ng doktor mula sa gumagawa ng gamot.

Sinasabi ring ang isang dahilan kung bakit mas gusto ng doktor na magreseta ng branded na gamot ay dahil ang mga generic na gamot ay kadalasang ibinibigay ng gobyerno. Ang mga doktor ay hindi tumatanggap ng anumang benepisyo o sahod para sa pagreseta nito.

Gayunman, nasa desisyon at responsibilidad ng pasyente kung nanaisin niyang generic medicines na lamang ang ibigay sa kanya lalo na kung nais nitong magtipid.