GCash: Walang pondong nawala; sistema balik sa normal

Nag-anunsyo ang GCash, e-wallet service ng Globe Telecom Inc., nitong Martes na walang pondong nawala sa customers nito at nananatiling “safe and secure” ito kahit nagkaroon ng pansamantalang pagkaantala sa serbisyo na nagsimula halos hatinggabi ng Lunes.

Sa isinagawang imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatangka ang hackers na makakuha ng tinatayang P37 milyon mula sa GCash customers ngunit napigilan ng kumpanya ang nasabing uri ng panloloko, ayon sa ulat ng Inquirer.

“This was averted by GCash which immediately put a hold order on the transfers once the pattern was detected,” ayon sa opisyal ng Globe.

Nagpaalala rin ang GCash sa mahigit 79 milyong rehistradong users nito sa tamang pamamahala ng kanilang account. Dapat na maging maingat sa mga online na transaksyon at huwag kailanman ibahagi ang kanilang one-time password (OTP) at mobile personal identification number (MPIN).

Automatically generated at ipinapadala ang OTP sa nakarehistrong mobile number ng may-ari ng account habang ang MPIN ang numerong password upang ma-access ang account mula sa app.

EasWest Bank nagpahayag ukol sa isyu

Samantala, kaugnay ng isyu ay may GCash users na nagreklamo online na nawala ang kanilang pera at naisalin umano sa EastWest Bank (EWB).

Sa mga napaulat na hindi awtorisadong online transaction sa GCash, naglabas ng pahayag ukol dito ang EWB.

“EWB has been made aware of news reports regarding unauthorized cash transfers from GCASH into a certain alleged EWB account. The Bank immediately acted on these reports and initiated an internal investigation…,” bahagi ng pahayag ng EWB.

GCash humingi ng dispensa

Ika-4 ng hapon nitong Martes nang humingi ng dispensa at mag-abiso online ang GCash na naayos na ang gusot at balik sa normal ang kanilang serbisyo.

“We have already adjusted the e-wallets of the affected GCash users and the app is back up so you may now safely proceed with your regular transactions. We apologize for the temporary downtime. Thank you for your patience and understanding,” ayon sa GCash.

Kasabay nito naging partikular din ang GCash na dahil sa nagkaroon ng bawas ang ibang customers kahapon (Mayo 8) ay naayos din ito ngayong araw.

“We apologize if the issue had caused alarm, but rest assured that funds remain safe and secure in GCash. Some customers may have experienced a deduction in their GCash account yesterday. An adjustment in their balance has been made today,” ayon pa sa payment application.

Ano ang GCash?

Ito ay isang financial application o mobile wallet na may features para sa payments at transfers, fair lending sa lahat; affordable investments; accessible insurance; magagamit pambili ng prepaid load, at marami pang iba.

Ang app ay nagsimula noong 2004 ngunit mas lumakas nang husto noong kasagsagan ng pandemaya dala ng COVID-19 kung saan sa ngayon ay may mahigit nang 79 milyong rehistradong users.

Ang Mynt, ang kumpanyang nagpapatakbo ng GCash, ay may partnership sa Globe Telecom, Ayala Corporation, at Ant Financial na nagbibigay ng mga makabago at first-in-world na fintech solution sa mga consumer at merchant.

Sa kasalukuyan, ang Gcash ang una at tanging double unicorn sa Pilipinas, na nagkakahalaga ng $2 bilyon.

Sa larangan ng negosyo, ang salitang “unicorn” ay isang privately held start up na nagkakahalaga ng higit sa $1 bilyon.