Fukushima nuclear wastewater tinututulan

Isa lamang ang grupo ng mga kabataang ito kasama si Veronica ‘Derek’ Cabe (gitna) ng Nuclear/Coal-Free Bataan Movement sa mga hindi sang-ayon sa pagpapakawala ng Fukushima nuclear wastewater sa Dagat Pasipiko. (Kuha ng Bilibb)

May 1.3-milyong tonelada ng Tritium, Carbon-14, Stromium-90, Cobalt-60, Iodine-129, Rutherium-106 at Cesium-137. Ito ang makakapagkontamina sa Dagat Pasipiko sa pagpapakawala kasama ng Fukushima nuclear wastewater – na tinututulan ng iba’t ibang grupo kabilang ang Pilipinas.

Tinutukan ang isyung ito sa isang talakayan upang iparating sa pamahalaan ng Japan ang paglaban ng marami sa pagbabalewala nila sa kahalagahan ng maraming buhay, maging ng kapaligiran. Sa isang pulong sa Quezon City itong Marso 18, naging panelists sina Dr. Caitlin Stronell mula sa Citizens’ Nuclear Information Center; Herman Laurel, president ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI); Veronica ‘Derek’ Cabe ng Nuclear/Coal-Free Bataan Movement; RJ Javellana president ng WARM-United Filipino Consumers and Commuters; at Prof. Anna Malindog-Uy na vice president for external affairs ng ACPSSI.

Ang panelists sa isinagawang pulong sa Quezon City na sama-samang lumagda sa isang kasulatan bilang pagtutol sa Fukushima nuclear wastewater. Mula sa kaliwa ay sina Wilson Lee Flores na forum moderator; Herman Laurel, president ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute; Veronica ‘Derek’ Cabe ng Nuclear/Coal-Free Bataan Movement; at RJ Javellana president ng WARM-United Filipino Consumers and Commuters. (Kuha ng Bilibb)

TEPCO at ang isyung kinahaharap nito

Ang Tokyo Electric Power Company (TEPCO) ay isang state-owned na kumpanya na nagpapatakbo sa Fukushima Daiichi na unang plantang nuclear sa Japan.

Ang units ng nuclear complex ay nasira sa isang serye ng mga kaganapan matapos ang magnitude 9 na lindol na nangyari sa Tohoku region noong hapon ng Marso 11, 2011 na sinundan ng 15-metrong tsunami.

Bago nito ay may 10 minutong babala lamang sa mga residente bago tumama ang tsunami sa baybayin. Sa naging resulta ay mahigit sa 28,000 ang kumpirmadong namatay o nawawala at mahigit sa 450,000 katao ang nawalan ng tirahan. Maliban sa pagkasira ng maraming negosyo, daan, at iba pa ay nauwi rin ito sa pagkatunaw ng nuclear reactors.

Noong panahong iyon ay 11 reactors sa apat na nuclear power plant sa rehiyon ang umaandar at lahat ay awtomatikong nagsara nang tumama ang lindol. Sa kasunod na inspeksyon ay nalamang walang pinsala sa alinman sa mga ito. Ang operating units na nag-shutdown ay ang hawak ng TEPCO na Fukushima Daiichi (1,2,3) at Fukushima Daini (1,2,3,4), at ang hawak ng Tohoku na Onagawa (1,2,3) at Japco’s Tokai. Ang units ng Fukushima Daiichi (4,5,6) ay hindi gumagana, ngunit naapektuhan. Ang inisyal na pangunahing problema ay nasa Fukushima Daiichi (1-3). Naging problema ang Unit 4 sa ikalimang araw.

Nang bumaha ang malalaking alon sa mga backup generator dahil sa lindol, pumalya ang mga cooling system, na naging sanhi ng pagkatunaw ng mga reactor – nuclear meltdown kung tawagin. Nasundan ito ng maraming pagsabagog ng kemikal at nagkaroon ng pagtagas ng radioactive materials.

Sa nangyari, tumaas ang antas ng radiation sa pagkain, tubig, at karagatan malapit sa planta ng Fukushima Daiichi.

Nag-set up ang mga awtoridad ng exclusion zone na lumaki nang lumaki nang tumagas ang radiation mula sa planta, na puwersahang nagpalikas sa mahigit 150,000 katao mula sa lugar.

Tatlong tao ang naiulat na naospital matapos ng mataas na antas ng pagkakalantad sa radiation.

Noong una, sinasabi ng TEPCO at gobyerno ng Japan na ang paglabas ng kontaminadong tubig sa karagatan ay ligtas. Lumipas ang pitong taon, napag-alaman ng environmental group na Greenpeace na ang radiation level sa lugar ay naging hanggang 100 beses na mas mataas kaysa sa karaniwan.

Ang pormal na pahayag ng Nuclear/Coal-Free Bataan Movement hinggil sa Fukushima nuclear wastewater.

Paglilinis sa lugar

May ulat na malaking hamon para sa lahat ang kinakaharap ng Japan. Libong manggagawa ang kakailanganin sa susunod na 30 hanggang 40 taon upang ligtas na maalis ang mga basurang nukleyar kabilang ang higit isang milyong tonelada ng radioactive na tubig na naroon pa rin sa lugar.

Sa inisyal na ulat, ang gobyerno ng Japan ay maglalabas ng tubig (sinala at bawas na ang radioactivity) sa Dagat Pasipiko. Naniniwala ang ilang siyentipiko na ang nasabing karagatan ay magpapalabnaw sa tubig dahilan para magdulot ng mababang panganib sa kalusugan ng tao at hayop. Ngunit taliwas ito sa Greenpeace at iba pang concerned groups.

Banta sa kalusugan

Kung sisilipin, sa Tritium na lamang na ilalabas ng wastewater, maaaring magpataas ito sa peligro ng pagkakaroon ng cancer kapag naparami ang konsumo nito. Maaaring pumasok ito sa ating katawan sa pamamagitan ng paglanghap, paglunok o sa pag-absorb ng balat dito. Samantala, ang epekto ng Carbon-14 ay sinasabing patuloy na magbubunga ng mas mataas din na panganib sa pagkakaroon ng kanser at maaari din itong tumawid sa inunan (placenta), na maglalagay sa panganib sa mga fetus. Iyan at marami pang mga isyu ang nakapaloob sa Fukushima nuclear waterwaste na tinutuligsa at ipinoprotesta ng marami – na hindi dapat balewalain ng pamahalaan ng Japan.